Rancho ng Kababalaghan
Isang 480 ektaryang lupain sa northwest ng Utah ang may malaking misteryo na hanggang ngayon ay hindi pa rin maipaliwanag. Ang Bigelow Ranch na kilala noong Skinwalker Ranch at Sherman Ranch ay kinakikitaan ng maraming UFO at kakaibang kaganapan tulad ng mga hayop na namamatay.
Noong 1950s pa umano may mga dokumentadong hindi maipaliwanag na kaganapan pero ang pinakamalala ay ang nangyari sa ranchers na sina Terry at Gwen Sherman nang bilhin nila ang lugar taong 1994. Sa unang araw pa lamang ng kanilang paglipat sa nasabing rancho ay nakakita na sila ng isang napakalaking lobo (wolf). Sinubukan nilang amuin ang nasabing lobo dahil mukha naman daw itong mabait. Sumusunod sa kanila ang lobo hanggang isang araw ay nahuli nila itong kinain ang isang maliit na baka. Nang barilin nila ng pistol ay walang epekto ang bala sa nasabing lobo. Nang lumabas naman si Terry dala ang shotgun ay kumaripas na ito ng takbo at hindi rin napuruhan. Sinundan ng dalawa ang bakas ng malaking lobo pero biglang nawala ito na parang bula.
Pero hindi lang diyan nagtatapos ang misteryo. Hindi rin sila tinantanan ng mga UFO at intelligent floating orbs (na pinaniniwalaang sinunog ang tatlo nilang aso), mga hindi maipaliwanag na nilalang, at ang kanilang mga alagang baka ay isa-isang kinakain ng mga ‘halimaw’. Dahil dito ibinenta nila ang rancho kay Robert Bigelow noong 1996.
Ano nga kaya ang mga misteryong bumabalot sa nasabing rancho? Kagagawan ba ito ng ibang nilalang sa ibang planeta? Kayo na ang humusga.
- Latest