Aswang Territory 36
MALIWANAG pa rin ang buwan, napatingin sa ibaba si Armani. Natuwa siya, nakalimutan ang takot.
“Tingnan mo, Avia! Maraming bundok, may isla … ah, alam ko na! Iyan ang Camiguin!”
“Tama, Armani. Kaya bababa na tayo. Ready ka na ba? Kapit mabuti, ha? Bubulusok ako!”
“Okay lang, Avia. Kayang-kaya.”
At bumulusok na nga sila. Parang inilaglag mula sa isang rocket ship sa bilis.
Maya-maya ay nasa harap na sila ng isang simbahan.
“Avia, bakit tayo naririto?”
“Hindi ba pari siya sa siyudad na ito? Dito siya nakatira dahil ito ang parish church dito. Ito rin ang pinakamalaking simbahan sa lugar na ito.”
“Ang galing mo naman maghanap. Pero tama ka nga. Saan pa nga ba nakatira ang isang pari kundi sa kanyang parish church?”
“Pero hindi siyempre diyan sa simbahan siya nakatira. Tiyak na may priest’s house sa tabi. Halika na, Armani. Umikot tayo.”
Kapit-kamay na lumigid sa simbahan ang dalawa.
Itinuro ni Avia ang bahay na simple lang. “See? There it is. Tiyak na diyan nakatira si Father Albert.”
“Kung ganoon ay kumatok na tayo.”
Si Armani ang kumatok. Walang nagbukas kaagad ng pinto.
Inulit ni Armani. Mga apat na beses pa. Saka lang may nagbukas.
Dalawang tao ang nasa kanilang harapan. Si Father Albert. At isa pang lalaki na may dalang itak at mga bawang.
“Armani! Salamat at ikaw pala ‘yan! Sino ang kasama mo? Napakagandang bata niya.”
“Father Albert, Ninong … siya po si Avia. Nobya ko po siya.”
Nagmano si Armani kay Father Albert. Ngumiti lang si Avia.
Agad din namang isinara ng may itak ang pinto. Pasilip-silip pa ito sa labas bago nagsara ng pinto.
Napagmasdan ito ni Avia. Napansin din ni Armani. Pero hinayaan na rin ni Armani, alam niyang wala naman siya sa lugar kapag nagtanong o nag-usisa agad tungkol sa lalaki.
“Bakit naman sobrang ginabi na kayo? Galing pa ba kayo niyan sa Maynila?”
“Ah, hindi po, Ninong. Malapit lang po kami dito sa Camiguin. Ang bilis nga ho ng biyahe namin at libre pa.” Muntik nang masabi ni Armani na kasi aswang ang nobya niya.- ITUTULOY
- Latest