Nililigawan ng ex-bayaw
Dear Vanezza,
Isa po akong kasambahay. Ang problema ko ay ang aking bayaw na laging tumatawag sa akin. Hiwalay na sila ng ate ko at mayroon silang isang anak. Ang ate ko po ang humiwalay dahil bukod sa batugan ay sinasaktan pa ang kapatid ko dahil seloso siya. Ang hindi po namin alam, nasa Kuwait na siya at mayroon ng trabaho. Ewan ko kung paano niya nakuha ang cellphone number ko. Pero mula sa Kuwait, tinatawagan niya ako at nanliligaw. Akala ko kinukumusta lang niya ang aking pamangkin dahil ako ang nag-alaga sa bata noong magkahiwalay sila. Noong sumunod na tawag diretsahan na siyang nanliligaw. Pinagsabihan ko siyag huwag na akong gambalain. Pero tuloy pa rin siya sa panggugulo. Hindi po kaya paghihiganti sa ate ko ang pakay niya? May kinakasama na ngayong iba ang kapatid ko. Dapat ko bang sabihin ito sa ate ko? May kaba ako na baka kunin niya ang pamangkin ko sa sandaling bumalik na siya sa bansa. - Irenea
Dear Irenea,
Sa ngayon ay hindi pa malaking problema ang panggugulo ng dati mong bayaw dahil nasa ibang bansa pa siya. Ang panliligaw niya ay maaari ngang isang uri ng panggagalit niya sa ate mo dahil hiniwalayan siya nito. Maaaring nadadamay ka lang sa sigalot nilang mag-asawa at hindi naman talaga panliligaw ang pakay niya kundi para lang makibalita sa kanyang anak. Makabubuting magpalit ka ng cellphone number para maputol na ang komunikasyon niya sa iyo. Sabihin mo rin ito sa ate mo para makapaghanda siya kung anuman ang binabalak ng dati niyang asawa. Kung talaga namang tinototoo ng dati mong bayaw ang panliligaw sa iyo, iwasan mo rin ito dahil wala itong maidudulot na mabuti para sa iyo. Sa madaling salita, huwag mo siyang patulan dahil para ka namang binabastos ng ex-bayaw mo na balak pa kayong tuhugin na mag-ate.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest