Island of the undead (139)
HINDI yata mapapatawad ni Reyna Miley/Reyna Coreana si Blizzard. Dahil hindi nito napatay si Miley dahil lang humuhuni ang original na nobya ni Blizzard ng theme song nila.
“Walanghiya ka, Blizzard! Akala ko ba naiintindihan mo ang utos ko? At ang dahilan ng utos na ‘yon? Kailangang wala nang katulad ang gandang ito! Kailangang ang orihinal ay mabura para ang kumopya ay siya nang orihinal! Kanta lang, nag-back out ka na sa misyon mo?”
“Pero aking reyna ... talagang ganoon ang puso. Kapag may nakikita o naririnig na nagpapaalala sa dating pag-ibig ito ay nagpapalambot ng pagkatao. Kaya hindi ko nagawang saksakin si Miley. Hindi iyon kasalanan.”
Lumapit pa ang reyna ng mga masasama kay Blizzard. Lalong nakikita ni Blizzard ang kagandahan nito na kinopya sa kanyang nobya.
Walang labis, walang kulang. Miley na Miley ang bawat hibla ng kagandahan ng masamang reyna.
Pero agad parang nasusuka si Blizzard nang maamoy niya ang bibig ni Reyna Miley.
Ang baho ay mas masahol pa sa patay na bulok na bulok na.
“Uuuugggghhhh! Arrrrkkkkhhhh!”
“Ano’ng nangyayari sa ‘yo gago ka?”
“A-ang hininga mo, aking reyna ... bakit ganyan kabaho? Grabe! Parang ang lahat na kabulukan ng mundo ay nasa loob na ng iyong katawan! At ito’y lumalabas sa bibig mo!”
Natigilan si Reyna Miley.
Alam niya kung bakit.
Ang kagandahan niya ay sa panlabas, sa balat lang. Pero dahil nga masama siya at napakasama rin ng panginoon na kanyang sinasamba, nasa loob lamang ng kanyang katawan ang kabulukang makikita noon sa dating Reyna Coreana.
Napalitan man ito ng kinopyang kagandahan ni Miley, ang bulok na mukha at katawan ng reyna ng mga undead ay parang kinulob lamang sa kanyang kaloob-looban.
At ito’y sumisingaw sa lahat ng butas ng kanyang katawan.
Lalo na sa bibig, sa ilong, sa teynga.
Wala namang balak si Reyna Miley na ikumpisal ito kay Blizzard.
“Ano ba ‘yang pinagsasabi mo? Baka kung saan mo lang naaamoy ‘yang mabahong ‘yan! Hindi ‘yan galing sa akin!”
“Sigurado akong ikaw talaga ang nangangamoy, mahal na reyna! Nabubulok ka sa loob!” Itutuloy
- Latest