Nakababaliw na mga phobia
Lahat talaga ng tao ay may kinakatakutan katulad ng daga, aso, at kahit sa simpleng pagpapa-checkup lamang. Pero kapag sumobra na ang takot na hindi na ito maipaliwanag; at kapag nagbibigay na ito sa iyo ng anxiety na nakagugulo na sa normal mong buhay, phobia na ang tawag dito. May ilan pang nakatutuwang phobia ang ibang tao:
Chiraptophobia – Takot mahawakan, ni hindi madampian kahit ang dulo ng kanilang kamay at daliri, Ayaw din magpayakap. Ang ibang tao, ni hindi makatiis na makapanood ng dalawang taong nagyayakapan sa simpleng panonood nito sa TV o movie screen na para siyang sinisilaban. Kaya panay ang iwas at hindi lumalapit sa ibang tao.
Maaaring nakaranas siya ng traumatic experience na puwedeng physically o sexually. Puwede ring nagkulang sa pagkalinga, atensyon, o pagmamahal ang kanyang magulang nung bata ito, na maaaring na-develop ang ganitong takot.
Minsan sa tindi ng atake ng ganitong phobia ay nahihilo, lumalakas ang tibok ng puso, at nenerbyos.
Mysophobia – Tinatawag din itong verminophobia, germophobia, bacilliophobia, at bacteriophobia. Ito ay sobrang takot na makontiminado ng mikrobyo o dumi. Kaya hindi ito lumalapit o dumidikit maging sa kanyang ka-partner dahil ayaw nga mahawaan ng germs.
Anuptaphobia – Takot na hindi makapag-asawa. Pero sa ibang tao ang epekto ng anuptaphobia ay takot naman makasal sa maling partner o tao. Sa kahihintay niya kay Mr. Right, walang abisong biglang magpapakasal sa isang tao at hindi iniisip ang magiging consequences sa bandang huli. May kaso rin ng severe phobia ng anuptaphobia na takot maging single o iwanan ng partner, kaya kahit inaabuso na ito ng kanyang asawa o kasama ay nanatili pa rin siya sa kanilang relasyon dahil ayaw niyang mag-isa sa buhay.
Gamophobia – Kabaligtaran naman ito ng anuptaphobia dahil takot ito mag-asawa o pumasok sa isang commitment. Sabi ng expert, puwede naman magkaroon ito ng relasyon pero takot sa commitment. May pangamba kasi ang isang tao na pumalpak ang kanyang wedding day. Meron din indibiduwal na takot na baka may maling mangyari, magkaproblema ang kanilang buhay may-asawa o pagsasama sa isang relasyon, kaya mas gugustuhin na lang niyang maging single. Maaaring kasing nagkaroon siya ng trauma sa kanyang past relationship, kaya napapaso na rin siyang pumasok muli sa isa pang commitment.
Hindi naman ibig sabihin ay baliw ka na sa mga nararanasang phobia. Dapat lang maintindihan muna ang klase at problema ng phobia. Huwag mag-alala dahil kahit gaano pa katindi ng nararanasang takot at anxiety ay nagagamot ito na kailangang lang malampasan.
- Latest