Island of the undead (114)
KILALANG-KILALA ni Doktora Joanne ang undead soldier na inilagay na sa kawa ng mga tao sa kampo para sindihan.
“Huwaaag! Hindi siya mananakit sa inyo! Tingnan n’yo ang mga mata niya! Tingnan ninyooo!”
Napatingin nga ang lahat sa mga mata ng undead soldier. Kumpleto pa ang mga ito, hindi pisak o nabubulok.
“Okay, so kaiba nga siya sa mga undead na warak-warak na ang mga mata, halos mga laman na lang ... pero huwag tayong magtiwala diyan! Parusahan na natin siya! Patayin na natin sa kawa!” Gigil na gigil pa rin si Blizzard.
Sumang-ayon ang halos lahat.
Sumigaw uli si Doktora Joanne. “Hindi n’yo ba siya nakikilala? Siya ang husband ko! Si Doktor Larry!”
“Anooo?!” Si Miley pati sina Lorenz at Blizzard ay parang hindi makapaniwala.
“Paano siya naging ganyan?” Tanong ng isang taong kasamahan ni Lorenz.
“Doktora Joanne, paano n’yo naman nasisiguro na si Doktor ‘yan? Paano n’yo nakikilala?”
“Dahil ang mga mata ng isang tao ... lalo na kapag mahal mo ... ay lagi mong makikilala. Hindi nagbabago ang mga ‘yon. Kaya siguradong-sigurado ako na siya ang asawa ko. Ang doctor ninyo! Aywan ko lang kung bakit siya nagkakaganyan!”
Hindi pa rin kumikilos sina Blizzard para pakawalan ang undead. Nalilito pa rin sila. Kung maniniwal ba o hindi.
“Kapag pinatay ninyo siya, patayin n’yo na rin ako. Maniwala kayo sa akin, siya ang asawa ko!”
Kumilos na si Lorenz. Inalis ang undead sa kawa.
Tumulong na rin si Blizzard. At pati si Miley.
Pinakawalan nila ang undead.
Lumapit kaagad ang undead sa doktora.
“Larry ... bakit ka nagkakaganyan? Pero okay lang, basta buhay ka pa rin!”
Biglang niyakap ng undead si Doktora Joanne, yumakap na rin ang doktora.
Nakahinga nang maluwag sina Miley. Nawala ang pagdududa nila. Naniniwala na sila ngayon kay Doktora Joanne.
“Siya nga si Doktor Larry. Thank God nakinig tayo kay Doktora. Bago natin nasaktan si Doktor.”
“Miley, sigurado ako na si Reyna Coreana rin ang gumawa niyan. Talagang kahit pasulpot-sulpot lang ang kapangyarihang magic niya, nakaka-damage pa rin talaga nang husto.” Sabi ni Blizzard na iiling-iling.” Itutuloy
- Latest