Island of the undead (111)
SABAY na lumapit sina Blizzard at Lorenz sa umiiyak na si Miley. Parehong naaawa sa dalaga.
“Okay lang ‘yon, Miley. Hindi mo naman kasalanan, babae ka lang.” Sabi ni Blizzard.
“Oo nga, Miley. Dapat ay problema namin itong mga lalaki. Umasa ka na lang sa amin. Kami na ang bahala.” Sabi naman ni Lorenz.
Galit na nag-react si Miley. Itinulak pang pareho sina Blizzard at Lorenz.
“Bakit kayo ganyan magsalita, ha? Minimenos n’yo yata ang mga babae. Ang kaya ninyo, kaya ko rin. At may mga pagkakataon na kaya ng babae, hindi kaya ng lalaki!”
Natigilan sina Blizzard at Lorenz. Sila ang nagkatinginan. Pareho yatang nasugatan ang mga ego.
“Iba pa rin ang lalaki, Miley ... magtiwala ka naman sana sa lahi namin.” Mahinahong sinabi ni Lorenz.
“Oo nga naman, Miley. Kahit sunud-sunuran ako sa ‘yo, may lakas ako na wala sa mga babae. Yes lang naman ako nang yes kasi mahal kita, e.” Sabi naman ni Blizzard.
“Tama na! Gusto ninyong patunayan pagkalalaki ninyo sa akin? Then kailangang ma-solve ninyo ang misteryo ng mga halamang panlaban sana sa mga undead. Bakit hindi nag-take effect ang mga halaman sa burol? Gayung katulad na katulad ng itsura at bango sa mga halaman na nakuha namin sa dagat. And accidentally na napatunayan naming panlaban talaga sa mga undead?”
“Kung may computer lang dito at may internet, nag-research na ako!” Pagmamagaling ni Blizzard.
“Kung meron tayo kahit celfone man lang at may signal, makakatawag ako sa mga mistah ko, ang mga kasamahan kong military from way back in PMA. They will research it for me. Makikita natin ang mga itsura ng mga halaman at ang mga pangalan nila. And then their characteristics. Saan ba sila mabisa? Magkatulad pero ano ba ang kahit konting kaibahan?”
Parehong napasulyap si Miley sa dalawang binata.
Si Blizzard, still childish. Nangangarap ng mga imposibleng gadgets dito sa ulilang isla.
Si Lorenz naman, matalino at malakas ang loob. Pero mabilis pa sa alas kuwatrong kakapit sa mga kasamahang PMA at kaibigan.
Napailing si Miley, napabuntong-hininga.
Tama rin naman. Lahat sila may lakas pero may kahinaan din. Ang mga tao ni Lorenz, ganoon din. Walang ganap na hero, dapat ay tulung-tulong at sama-sama para manalo kay Reyna Coreana. Itutuloy
- Latest