#’New Baby’ sa Bahay
Ipinagbubuntis pa lang ang baby, ibalita na ito sa inyong mga anak sa paraang, para kayong nagbabalita na ipapasyal ninyo sila sa Disneyland. Ganito ang nasabi ko, dahil minsan, ang paraan ng pagbabalita ng parents ay para bang nananakot na may bago na silang kahuhumalingan at mababale-wala na si Bunso. Huwag sasabihan ang mga anak na parang tinuturuan n’yo sila ng dapat nilang gawin at madama – “I’m sure mamahalin ninyo at magiging proud kayo sa bago ninyong kapatid.” Sa madaling salita, huwag silang pangunahan ng dapat nilang maging reaksiyon.
Kadalasan, ang nakadadama ng pagseselos ay ang batang susundan ng beybing ipinagbubuntis. Ang madalas na nagseselos ay nasa edad dalawa o tatlo. Ang nangyayari tuloy, bumabalik ito sa pagiging sanggol—nagpapapansin baga. Halimbawa, laging nagpapakarga, hinihiling na gagamit uli siya ng bote sa pag-inom ng gatas, thumb sucking, at nagiging iyakin. Huwag babarahin ang bata o pagagalitan kung nagpapakita ng mga ganitong palatandaan. Ang payo ng child psychologist, kunsintihin siya o lalong ibeybi upang madama ng bata na mahal siya ng kanyang magulang. Kapag secured ang bata sa pagmamahal, kusang mawawala ang “pagpapabeybi”. Narito pa ang dagdag na guidelines:
Huwag ipapadala sa bahay ng kamag-anak ang bata kapag dinala na sa ospital si Mommy. Hangga’t maaari, manatili siya sa bahay kasama si Daddy. Ibang immediate family member na lang ang ipagsama ni Mommy sa ospital. Kung maaari, padalawin siya sa ospital.
Pagdating sa bahay, sabihin sa bata na inspeksyunin niya ang bagong kapatid. Hayaang haplusin, yakapin at halikan ang kanyang kapatid. Patulungin ang bata sa pagbibihis sa kanyang kapatid. Huwag hayaang sina Mommy at Daddy ay naka-concentrate lang kay baby. Kung si Mommy ay nag-aasikaso kay baby, dapat si Daddy ay nasa piling ng older child or vice versa.
Reminder sa magiging visitor ng baby: Kung may gift ka para sa baby, magdala ka rin para sa older child. Kung pupurihin mo ang baby, pansinin mo rin dapat ang older child.
- Latest