#Lola na Mukhang Lalaki
Limang taon ang aking panganay nang naobserbahan niya ang kaibhan ng personalidad ng aking tiyahin na isang tomboy. Noon ay nakabihis panlalaki ang aking tiyahin nang dumalaw siya sa aming bahay kasama ang kanyang girlfriend. Habang kami ay nagkukuwentuhan, matagal na palang tinititigan ng aking anak si Tiya. Ikalawa o ikatlo niyang beses nakita si Tiya. Matagal kasi itong nagtrabaho sa abroad. Naghahanda ako ng miryenda sa kusina nang lumapit ang aking anak sa mag-syota.
Lalaki ka po?
Hindi. Babae ako. Kaya nga lola ang tawag mo sa akin.
Bakit ang shoes at socks mo, pang-boy…kagaya ng sa akin?
Kasi maginhawa at masaya ang pakiramdam ko kapag ganito ang isinusuot ko.
Ahhh…
Tumigil sa pagtatanong ang aking anak. Inagaw ang atensiyon niya sa pinapanood na palabas sa TV.
Kung tutuusin, angkop sa edad at pang-unawa ng aking anak ang naging sagot ng aking tiya. Ayon sa psychologist, mas magandang ipaunawa ang homosexuality sa mga bata as early as 5 years old. Lalo na kung may mga kamag-anak kayong tomboy o bakla na lagi nilang nakakasalamuha.
Payo ng psychologist na umpisahan ang paliwanag sa—Ang pagiging bakla o tomboy ay nasa personalidad na nila nang sila ay isilang. Homosexual ang tawag sa babaeng nagbibihis lalaki at lalaking nagbibihis babae. Hindi sakit ang Homosexuality. Hindi kasalanan sa Diyos ang maging homosexual. Pantay-pantay ang paggalang na dapat ibigay sa mga babae, lalaki, bakla, tomboy dahil lahat tayo ay anak ng Diyos. Hanggang dito na lang muna ang paliwanagan. Habang lumalaki sila, ang mga karanasan at pakikipaghalubilo sa mga tao ang kukumpleto sa mga kasagutang hinahanap nila.
- Latest