Paano magkaroon ng happy feet?
Sad feet kung may alipunga o athlete’s foot. Isa itong uri ng nakakahawang fungal infection. Madalas na pinagmumulan ng alipunga ay pagpapawis ng paa dahil nakulob sa sapatos. Ang sintomas nito ay nakikita sa pagitan ng mga daliri sa paa: sobrang pangangati, namumula, kinakaliskis, at nagbibitak-bitak (crack), may hindi magandang amoy. Kapag kinamot, puwede itong kumalat sa kamay.
Paano maiiwasan ang alipunga? 1) Laging hugasan ng sabon ang paa. Tuyuin bago magsapatos. 2) Ang gamiting sapatos ay yari sa natural leather, canvas, suede. Kung maaari, dapat ay open shoes para nahahanginan. 3) Mainam na higit sa isa ang iyong ginagamit na sapatos para may oras mapahanginan ang sapatos bago ulit isuot. 4) Ang medyas ay dapat na yari sa cotton para makakasipsip ng pawis. 5) Magmedyas muna bago isuot ang brief o panty. Kailangang may “cover” ang paa upang pagsuot ng underwear ay hindi mahawahan ang singit o mismong genital ng fungal infection.
Bukod sa pampahid na cream na reseta ng doktor, gawin ang alinman sa dalawang home remedies para magkaroon ng happy feet:
1-Ibabad ang paa sa pinaghalong 2 tasang suka at maligamgam na tubig. Ang dami ng tubig ay sapat para mailublob ang mga paa ng 10 minuto.
2-Pakuluan ang 5 bags ng black tea sa 2 tasang tubig ng 5 minuto. Pagkaluto, dagdagan ito ng tubig mula sa gripo para maging maligamgam. Ibabad ang paa ng 10 minuto. Patuyuin.
- Latest