Burol sa Japan
Dahil sa nalalapit na ang undas, alam n’yo ba na napakapormal ng burol ng patay sa Japan?
“Tsuya” ang tawag dito na ang ibig sabihi’y “passing the night.”
Lahat ng nakikiramay at pumupunta sa burol ay nakasuot ng kulay itim, ang mga lalaki ay naka-itim na suit at puting panloob na may itim na necktie samantalang ang mga kababaihan ay dapat nakakulay itim na bistida o kimono.
Kung ang yumao ay isang Buddhist, isang set ng prayer beads na tinatawag na juzu ang kailangang dalhin ng mga nakikiramay kasama ang abuloy na nakalagay sa espesyal na black-and-silver na sobre.
Sa pagsisimula ng ritwal, magba-bow ang Buddhist priest at magsisindi ng insenso sa urn sa altar sa harap ng yumao at magbabasa ng sutra. Habang nagbabasa ng sutra ang pari ay isa-isang magba-bow, magsisindi ng insenso, at magba-bow uli ang mga kamag-anak ng yumao. Uulitin ito ng mga kaibigan at iba pang makikiramay hanggang matapos ang lahat.
Pagkatapos magbasa ng pari ng sutra ay magba-bow ang lahat sa altar kung saan magtatapos ang ritwal.
Ang bawat uuwing nakiramay ay bibigyan ng regalo bilang pasasalamat ng pamilya ng yumao sa kanilang pakikiramay.
Ang mga malalapit na kamag-anak ay naiiwan para maglamay magdamag tulad ng ginagawa natin dito sa Pilipinas.
- Latest