Pampalasa ng pagkain mula sa puwitan ng beaver!
Oh, saktung-sakto ang topic natin ngayon dahil magpa-Pasko na pala. Kanya-kanya na namang bake ng cookies at sweets ang mga tao ngayon. Pero alam n’yo ba na ang ibang vanilla flavoring ay hindi nanggaling sa vanilla beans? Oo, dahil may ibang natural flavoring na nanggagaling sa kulay brown at malapot na substance na inilalabas ng mga beaver.
Naglalabas ng castoreum ang mga beaver para markahan ang kanilang teritoryo. Parang aso na iniihian ang kanilang teritoryo para malaman ng ibang aso na may nagmamay-ari na nito. Kadiri ba? Meron pa, ang castoreum ay isang chemical compound na galing sa castor sac ng mga beaver. Ang castor sac ay nasa gitna ng baywang at kanilang buntot. At dahil malapit ito sa anal glands, ang castoreum ay madalas na kombinasyon ng castor gland secretions, anal gland secretions, at ihi. Oo, ihi at jebs! Diring-diri ka na ba sa natural flavoring na pamalit sa vanilla extract? Ha ha ha.
Pero ‘wag mabahala, dahil inilista na ng U.S. Food and Drug Administration (FDA) ang castoreum bilang “generally regarded as safe” (GRAS) additive. At mahigit 80 taon na itong ginagamit ng mga manufacturer sa mga pabango at pagkain, ayon sa 2007 study ng International Journal of Toxicology.
‘Di tulad ng ibang anal secretions na mabaho dahil sa odor-producing bacteria sa puwitan, ang castoreum ay mabango dahil sa kinakain ng mga beaver. Dahon at balat ng puno ang kinakain ng hayop na ito.
Nag-aalala ka pa rin ba kung ang kinakain mo ay may halong “dumi” ng beaver? Dahil sa FDA label (GRAS), hindi inilalagay ng ibang manufacturer ang castoreum sa kanilang mga listahan ng ingredients, at sa halip ay “natural flavoring” ang nakaimprenta rito. Sarap ba?
Sa susunod medyo iiwas na ako sa vanilla-flavored na mga pagkain. Ha ha ha. Enjoy! Burp!
Reference: www.nationalgeographic.com/
- Latest