Tea bags, aksidenteng naimbento lang!
Usung-uso ang tsaa ngayon. Nariyan ang mga bagets na pa-milk tea milk tea kahit nakasimangot na sa lasa para lang masabing in sila. May iba naman na nagpi-feeling uminom ng mainit na tsaa dahil lang sa nakikita nila ito sa iba.
Pero napakarami naman talaga kasing benefits ang nakukuha sa pag-inom ng tsaa lalo na ng green tea. Bukod sa nakatutulong ito sa paglinis ng bituka at mas mapabibilis ang pag-burn ng taba sa ating katawan, ay maganda rin ito para makaiwas sa heart diseases.
Maaaring inumin ang tsaa ng malamig o kaya naman ay mainit. Pero bago kayo makiuso at i-enjoy ang inyong mainit na tsaa, alam n’yo ba kung saan at paano naimbento ang tea bags?
Bago naimbento ang tea bags, tea eggs at tea balls ang gamit noon para makagawa ng mainit na tsaa. Inilulublob ang metal “eggs” at “balls” na ito sa kumukulong tubig para makapag-infuse ng tsaa. May nakakabit na chain dito para sa mas mabilis na pagkuha.
Aksidenteng naimbento ng Amerikanong businessman na si Thomas Sullivan noong 1908 ang tea bags. Naisip niya kasing mamigay ng sample ng tsaa sa kanyang mga kliyente at inilagay ito sa silken bags. Ang akala ng ibang kliyente ay parang sa tea eggs at tea balls ang paggamit nito. At doon na nagsimula ang lahat! Astig ‘di ba?
Na-improve ang tea bags nang ang ilang customer niya ay nagsabing masyadong pino ang mesh sa silk, kaya gumawa siya ng sachet bags na gawa naman sa gasa (gauze). Ito naman ang pinagmulan ng tea bags ngayon.
Sa paglipas ng panahon, na-develop ito at ginawang commerical noong 1920 na siyang sumikat sa buong U.S. Mula sa gasa, naging papel ang material nito at nagkaroon ng dalawang sizes, maliit para sa pang-tasa at mas malaki para sa pang-takure. Hanggang ngayon ay makikita pa rin ang tali na nakakabit at tag sa dulo para sa mas mabilis na pagkuha.
O hayan, maaari na kayong magyabang at makipagsosyalan na hindi kayo mapapahiya kapag tinanong kung saan at paano naimbento ang tea bags. Burp!
References: http://www.tea.co.uk, http://authoritynutrition.com
- Latest