Island of the undead (55)
“PALITAWIN mo ang karuwaheng hila ng kabayong nakakalipad, reyna! Kailangang makuha agad ang mga gamit ko sa pagpapaganda sa ‘yo!” utos ni Doktor Larry, katabi ang bangkay ni Doktora Joanne.
“M-masusunod, Dok, anything you say po...” Parang asong bahag ang buntot ni Reyna Coreana.
At tutoo sa loob niya ang sinabi, lahat ng pride ay kayang isantabi alang-alang sa pangarap na gumanda.
“Hindi ko puwedeng iwan si Joanne,” deklara ni Doktor Larry.
“Uutusan ko si Miley na kunin lahat ang kailangan ko, sa aking klinika sa lunsod! That’s an order!” Parang heneral si Doktor Larry. No ifs, no buts; diretso, walang liku-liko.
“Gayunma’y merong duda sa kalooban ng reyna. “Kung ito ay isang panlilinlang para patakasin si Miley, mag-isip-isip ka muna, Dok. Merong hangganan ang pasensiya ko sa mga mortal!”
Nagkibit-balikat si Larry. Lihim na nagpapasalamat na hindi laging nababasa ng reyna ang isipan ng mga tao.
Nasunod ang utos niya. Lumitaw ang karuwaheng hila ng kabayong nakalilipad.
Sumakay na dito si Miley matapos bigyan ng instructions ng doctor. “Pakibilisan, kailangang makabalik ka agad!”
Ang Undead na si Bangekngek ang humawak sa renda ng kabayo. Saglit pa’y naglalakbay na sila sa himpapawid.
Super-bilis, kasing bilis ng kidlat.
ZOOOOMM.
Si Miley ay pigil na yata ang hininga, hindi pa rin masanay sa ganoong paglalakbay sa ibabaw ng mga ulap.
Lalo pa nga’t nasa ibabaw na naman sila ng malawak na karagatan. Meron bang nakaaalam na ang phobia niya ay sa tubig?
Lagi siyang nananaginip ng kamatayan—sa isang tabo na puno ng tubig!
And this is ridiculous! Kagilagilalas!
“Pospas!” Biglang naalala ni Miley ang isang putahe ng kanyang kamusmusan, when her world was young.
Suddenly nais kumain ni Miley ng pospas na luto ng ina. (Itutuloy)
- Latest