Island of the undead (52)
BUMULUNG-BULONG nga sa tikom na mga kamao si Reyna Coreana. Lengguwaheng siya lamang sa Undead Island ang nakakaintindi ng kahulugan; ng ibig sabihin.
Umalimbukay ang maitim na usok mula sa kamao, tumuloy agad sa tatlong tao na gapos ng alambreng may tinik.
Mataas ang kalidad ng magic. Sa isang iglap, nakalag ang alambre.
Nahampas pa nga nito ang ilang Undead na nakabantay sa tatlong tao.
Tumilapon ang mga ito sa buhanginan ng tabing-dagat, nagsisigawan, pawang mga nangabigla.
Kahit papa’no ay nakahinga nang maluwag sina Miley, Blizzard at Doktora Joanne.
Taimtim silang nagpasalamat sa Diyos, sa mga isip lamang.
Nakahinga rin nang maluwag si Duktor Larry. Naunawaang may itinatago rin palang kabutihan ang reyna.
Kung alam lang sana niya—merong ibang motibo ang pinuno ng mga nilalang na pinagtampuhan ng kamatayan.
“Akina ang sirang scalpel, Doktor Larry.”
Ibinigay ng surgeon ang wasak na pang-opera. Muli ay binulungan ito ni Reyna Coreana. Gaya ng una nang ginawa nito sa alambreng may mga tinik.
Iba namang bulong na pakanta, parang nagpapatulog ng batang sanggol.
“SI-BOMBONG... LABAS ANG TUMBONG...”
Iyon ang pinakapangit na boses na narinig ni Dok Larry mula sa isang singer. Walang iniwan sa isang yero na ginugupit ng mapurol na gunting.
I-I-I-IINNNG!
Nakakangilo ng ngipin ang boses. Nagtakip ng mga tenga ang duktor, buwisit na buwisit.
SAMANTALA, sa di na mabilang na pagkakataon, muling nakatakas sa mga Undead sina Miley at Blizzard.
This time ay kasama nila si Duktora Joanne. Sakay na naman ng balsang gawa sa punong-saging.
Kaybilis-bilis ng kanilang paggaod, gamit ang mga kamay bilang sagwan.
Pero hanggang sa mapagod ay kapansin-pansin na hindi sila makalayo sa isla ng mga Undead!
(Itutuloy)
- Latest