Orange pang-iwas sa sakit na kanser?
Sino’ng aayaw sa prutas na orange, lalo na kapag makatas at tama ang pagkahinog nito? Ang prutas na ito ay maaring kainin bilang panawid gutom, agahan, merienda, gawing juice, o kahit ng mga nagdidiyeta.
Pinaniniwalaang ang orange ay unang itinanim sa South East Asia noong mga 4000 BC. Ito’y dinala sa Africa at nakarating sa Roman soil noong mga 200 BC. Ang maasim na orange ay ipinakilala sa mga Arabo noong 10 century A.D. Nakagawa naman ng bagong klase ng orange ang mga Portuguese na tinawag na Portugal orange.
Si Christopher Columbus naman ang kauna-unahang tao na nagdala ng mga buto ng orange sa Amerika noong 1493. Sa ngayon, halos 600 na klase na ng orange ang mayroon at ilan sa mga sikat na variety ang Valencia Hamlin, Pineapple Oranges, Temple Oranges, Washington Navel, Red Cara, Navel, Blood Oranges, Amber sweet, Moro Orange, Seville Orange, Jaffa, Persian Variety, at Parson Brown.
Narito ang ilang interesting na kaalaman tungkol sa orange: Posibleng tumubo ang higit sa isang halaman mula sa isang buto ng orange.
Ang hinog na orange na nasa puno ay maaaring bumalik sa kulay berde kung hindi napitas dahil sa re-greening process. Hindi ito nakaaapekto sa lasa at nutrisyon ng prutas.
Lamang ang orange sa fiber kumpara sa karamihan sa mga prutas at gulay. Mas maraming puno ng orange ang namamatay dahil sa kidlat kaysa sa mga peste.
Ang orange ang tinaguriang “fruit of the gods”. Mas kilala ito sa tawag na “golden apples” na siyang ninakaw ni Hercules.
Mababa sa calories, walang saturated fats, o cholesterol pero mayaman sa dietary fiber na pectin ang orange Ang pectin ay isang laxative na tumutulong sa pagprotekta ng mucous membrane sa colon sa mga toxic substance na nagdedebelop ng sakit na kanser.
Masustansya talaga ang prutas na orange. Pero tatlong orange lang ang dapat kainin sa isang araw. Tandaan ang lahat ng sobra ay nakasasama. Burp!
- Latest