Sandaang mumunting halimaw (49)
SAAN ba dapat dalhin ng nalalabing tatlong higanteng gorilya ang kasamahang natepok dahil sa kagaguhan?
Hila-hila ng tatlo along the riles ang patay na kasama. Kaydaming bahay na maliliit ang nagiba dahil sa bigat ng gorilyang kaladkad.
Sa bandang dulo ng sangang-daan, walang babalang ihinagis ng tatlong giant gorilya sa ibabaw ng mataas na gusali ang bangkay.
Nayanig ang building, sumabit sa tuktok nito ang nakalungayngay na patay na halimaw.
Ilang minuto rin itong nagpagewang-gewang, nakabiting pataob, nagbabantang malaglag sa trapiko sa ibaba anumang sandali.
Maraming tao ang nakatingala sa patay na higante, kanya-kanyang pagkuha ng larawan gamit ang mga cellphone.
Nagbabala na rin sila sa mga motorista na hindi makausad sa sikip ng traffic. “Baka mabagsakan kayo ng gorilyang higante! Mapipisak kayo!”
Namayani na ang takot at panic sa mga nasa sasakyan. Karamihan pa naman sa kanila ay hindi mayayaman. Kapag nawasak ang mga sasakyan ay hindi na basta makabibili.
Nagkaroon na ng chaos, nagtatakbuhan na sa kaligtasan ang mga nasa sasakyan. Mas uunahin nilang i-save ang kanilang kaisa-isang buhay!
Sigawan, balyahan, tulakan. Nagkaroon na ng stampede ang mga tao.
Tatlong elderly ang agad namatay sa kaguluhan. Merong inatake sa puso; isa ang bumagok ang ulo; ang isa pa ay nalulon ang pustiso, hindi nakahinga.
“Lola Basyang kooo! Eeeee!”
Sa sandali ring iyon tuluyan nang bumagsak ang patay nang higanteng halimaw. PLAGADGG.
Tatlong SUV ang nawarak.
Gayunma’y nakaligtas ang mga sakay. Abut-abot ang pasasalamat nila sa Diyos. “Thank you po, Lord! We praise You!”
Genuine ang kanilang mga luha, totoo ang pasasalamat sa Dakilang Lumikha.
Kabilang sa kanila ang isang corrupt politician. Napaihi ito sa pants, buong akala’y matitigok na. “Magpapakabait na po ako, God!”
(Itutuloy)
- Latest