Halimaw (18)
SI PRIMO at ang mga halimaw sa katawan nito ay palabas na ng ospital. Sagad ang takot ni Primo na anumang oras ay pagbababarilin na lang sila ng mga awtoridad; papatayin sila dahil sila ay panganib sa mga tao.
Walang magawa ang mga taga-ospital, helpless, habol lang ng tanaw si Primo at mga halimaw nito.
Posible ring isipin na ito na rin ang gustong mangyari ng mga taga-ospital. Ang mawala sa poder nila ang problema.
Matatahimik na ang ospital dahil wala na ang kontrobersyal na pasyente.
Panay ang sigaw ni Primo nang nasa main road na, naglalakad sa sidewalk. “HUWAG KAYONG MAMAMARIL! WALA KAYONG KARAPATANG PATAYIN AKO! BIKTIMA AKO NG MGA HALIMAW NA ‘TO!”
Nakataas ang mga kamay ni Primo, senyales na siya ay sumusurender sa awtoridad; na siya ay hindi kaaway.
Ang mga tao sa daan ay napapailing, kinikilabutan sa takot.
Nagdagsaan ang mga reporters at media people; ang kakaibang kaganapan ay malalaman ng mga taong sabik sa kagilagilalas na pangyayari.
“Mga kabayan, kapatid, kapuso at kapamilya—ang inyo pong nakikita ay daig pa ang isang bangungot.
“Tutoo, tunay na meron siyang mga mumunting halimaw sa katawan! At super-tindi raw kumagat sa laman ng taong meron nito!
“Para raw pong hinihiwa ng matatalas na blade na pang-ahit; katulad ng bagong hasang labaha ng barbero!” super-habang pagdetalye ng reporter.
Flash report iyon na napapanood nang live sa mga telebisyon.
SAMANTALA sa commuter train, umiiyak na nakikiusap si Miggy o Miguel sa imbestigador ng tren.
“Ibaba n’yo po ako sa next station, please... kung puwede po ay isakay n’yo ako sa taxi at ipahatid sa bahay namin sa executive village...
“Hindi po ako tatanggihang tulungan ng parents ko! Mga kristiyano po sila at mahal na mahal ako...”
Nabagbag naman ang kalooban ng may-edad nang imbestigador. Hindi basta iniwan si Miggy sa next station.
Inilulan din ito sa taxi at sinamahang makauwi.
Ang ama ni Miggy ay matatag pero ang ina ay hinimatay. (Itutuloy)
- Latest