Sandaang mumunting halimaw (11)
SAKAY ng Harley motorcycle si Primo, sigaw nang sigaw. “TIGILAN N’YO AKOOO! MGA IMPAKTOOO!”
Kasalukuyan siyang pinahihirapan ng sandaang mumunting halimaw. Nagkalat ang mga ito sa kanyang dating makinis na katawan.
Sa tindi ng sakit ay nagpagewang-gewang ang pagpapatakbo ni Primo sa mamahaling motorsiklo.
Hindi na nakontrol, sumadsad sa poste sa highway.
BRAAMM. Lumikha ng malakas na ingay at gulo sa mga motorists; muntik-muntikang masagasaan-mabundol si Primo at ang motorsiklo.
May mabubuting tao na naawa kay Primo. Ang huli ay umiiyak sa sakit, hindi makabangon. “Tulungan n’yo ako, utang na loob...”
Nakakotse ang mag-asawang good Samaritans. Mga edukadong tao. “Itatawag ka namin ng ambulansiya ngayun din, mister. Tatagan mo ang sarili mo. Hindi makatutulong kung magpa-panic ka”.
Kilabot na kilabot ang misis. “Diyusko, Al, an’ dami nang dugong tumatagas sa kanya...”
“Matindi ang sugat niya, Pilar. Sana nama’y dumating na ang ambulansiyang tinawagan natin”.
Hinang-hina na si Primo. Bukod sa sugat sa pagbangga, ayaw siyang tigilan ng sandaang halimaw sa katawan.
Nagdidiliryo na yata si Primo. “Para akong...hinihiwa ng blades... maawa kayo...merong nagkikislutang mga halimaw... sa katawan ko...”
Nadinig iyon ng mag-asawa. Natigilan. Napatingin sa katawan ni Primo na may damit at jacket.
“Al, hubaran mo ng damit... baka makaginhawa sa kanya...”
Masunurin kay Pilar ang mister. Maingat na inalisan ng jacket si Primo. Kasunod ay inililis nito ang damit ng sugatan.
Napamulagat ang mag-asawa sa nakita sa hubad nang katawan.
Ang mister ay napipi sa sindak. Parang ipinako sa kinatatayuan.
Ang ginang niya’y hinimatay. “Uuunnn.”
Patuloy sa walang awang pagkagat kay Primo ang sandaang halimaw. Walang pangalawa ang kalupitan. (Itutuloy)
- Latest