Patay na ako, mahal (15)
“TITA SOLEDAD, inuutusan m-mo akong lulunin a-ang mga bubog na ‘yan?” tanong ni Avery, hindi makapaniwala.
Klaro ang sagot ng tiyahin. “Naghahanap ka kasi ng permanenteng kamatayan—‘yun bang titiyak na ikaw ay malilibing na sa musoleyong ito, ganap na patay. I assure you, patay ka dito sa mga bubog.”
Napalunok ang dalagang naniniwalang wala nang hininga. Hindi ma-imagine na siya ay kusang lululon ng mga bubog.
“P-pero, Tita Sol, ang iniuutos mo po sa akin ay... suicide, kusang pagpapatiwakal... “
Nakahanda na ang argumento ng wise na tiyahin. “Paanong magiging suicide e patay ka na nga, Avery? The most nang resulta kung lululunin mo ‘tong bubog, ikaw ay magiging double-dead!”
“P-para hong manok o baboy o baka na namatay na muna—siguro’y sa sakit—bago naibenta ang kanilang karne sa pamilihan?”
“Sakto, Avery! Marunong ka pa pala namang mag-isip! Very good, pamangkin!”
Naisip ni Avery ang scenario, sakaling ganap siyang maging patay. “Ililibing ho ako sa loob ng nitso, nasa ataul...
“Wala nang kamalayan sa mundo ng mga taong buhay?... ”
“Exactly, Avery! Hindi ka na makakaranas ng gutom at uhaw, hindi ka na malulungkot, mapupunta ka na sa Paraiso!” Parang ahente si Tita Soledad na nagbebenta ng produkto.
Para din siyang sugo ng impiyerno na tusong nanunukso.
Kumuha ng isang basong tubig si Tita Soledad, iniabot kay Avery.
Maraming gimik ang tiyahing sosyal. “I’ll sing you a love song, Avery. Kahit walang akumpanya, acapela.”
Kumanta nga, buong lambing, kahit pa ang boses ay parang ginugupit na yero. “What do you get when you fall in love... you only get pneumonia...”
Hawak na ni Avery ang kutsarang puno ng pinong bubog; ewan kung nakumbinsi na siya.
“After you do he’ll never phone you... “
Nasa labi na ni Avery ang kutsara ng bubog, nakanganga na.
“So for at least until tomorrow I’ll never fall in love again—“ (ITUTULOY)
- Latest