Patay na ako, mahal (10)
NATATARANTA ang puso at sikmura ni Avery. Nagdala ng home-made cookies si Russell para sa kanya.
Dama ng dalagang nasa loob ng musoleyo na nababawasan ang inis niya kay Russell.
At takam na takam na siyang makakain ng masarap na cookies na lutong-bahay. Hindi na niya matandaan kung kailan siya huling nakakain ng cookies na hindi gawa sa pabrika.
Natalo si Avery ng pananabik ng tiyan. Kahit ayaw nang makipag-ugnayan sa taong mortal ay napilitan.
Mula sa saradong musoleyo ay kinausap ang binatang nasa labas.
“Mr. Russel, pakiiwan na lang ang cookies sa harap ng pintuan. A-ako na ang bahala...”
“But I must talk to you, Bangekngek, kahit tatlong minuto man lang, katumbas lang ng haba ng ordinaryong kanta sa radio.” Nakikiusap ang tinig ni Russell. “At tawagin mo na lang akong Russell, huwag nang Mr. Russell”.
Napalunok si Avery. “Ayoko nang makaharap ka, R-Russell. At ayoko na ring m-makausap ka”.
“Pero bakit? Ano ba ang drama mo at naglalagi ka sa loob ng musoleyo?”
“Hindi mo pa ba alam na ako’y isa nang—“
“Ikaw ay isa nang ano? Ituloy mo, Bangekngek”.
“Avery ang pangalan ko, Russell!”
“Okay, Avery, napakaganda pala ng pangalan mo, kasing-ganda mo. Pero ano ang sabi mong ikaw ay isa nang...? Isa ka nang ano?”
“Ako, Russell... ay isa nang...patay”.
“Anooo?” Napantastikuhan ang binata.
“Matagal na akong namatay. Huwag mo nang alamin ang detalye”.
Nanlumo si Russell, alam na maselan ang problema ng babaing kausap.
Naniniwala pala itong patay na. “Avery, meron kang sakit... dapat kitang tulungang gumaling”.Iling nang iling sa loob ng musoleyo si Avery, tila natutulig sa sinasabi ni Russell. Imagine, nais nitong siya ay magpagamot ng sakit sa isip?
“Itinuturing pala ni Russell na ako’y nababaliw!” (Itutuloy)
- Latest