Sinisiraan ng ‘in-laws’
Dear Vanezza,
Tawagin mo na lang akong Milah, 27 years old at plain housewife. Nagtatrabaho sa Dubai ang mister ko at minsan sa loob ng 3 taon lang kami kung magkita. Sa kabila niyon, tapat ako sa kanya. Alam kong nagsasakripisyo siya sa ibang bansa para lamang magkaroon kami ng mabuting kinabukasan ng aming anak. Ang problema ko ay ang aking mga biyenan. Nalaman ko na sinisiraan nila ako sa aking asawa, kesyo may kinalolokohan akong lalaki. Nang magkausap kami sa cellphone ng mister ko, sinabi niyang hindi siya naniniwala kaya huwag akong mag-alala. At talagang hindi siya dapat maniwala. Maayos kong ginagastos ang ipinapadala niyang pera at nakapagtayo na kami ng sariling bahay. Nakapagpundar din ako ng grocery kahit wala siya. Paano ko kaya itatrato ang aking biyenan sa harap ng mga paninirang ginagawa niya sa akin?
Dear Milah,
Dedmahin mo na lang ang paninira ng iyong mga biyenan. Tutal hindi naman naniniwala ang mister mo at maliwanag ang ebidensiya ng iyong katapatan. Kapag magkakaharap kayo ng iyong in-laws, pakitaan mo lang sila nang mabuti. May kasabihang “you can never put a good person down”. Kapag ang masamang ginagawa sa iyo ay ginagantihan mo ng kabutihan, lalo ka pang pagpapalain ng Dios. Kung pinapakitaan ka nila ng hindi maganda, sila ang nagkakasala at hindi ikaw. Higit sa lahat ang iyong mga in-laws ay bahagi na rin ng iyong pamilya. Kaya isipin mo na lang na hindi mo lang sila in-laws kundi tunay na pamilyang iyong pinagmulan. Kung makikita nilang ganito ang turing mo sa kanila, tiyak na mahihiya sila sa kanilang sarili at magbabago ng pakikitungo sa’yo. Sa ngayon, huwag mong hayaan na sila ang maging dahilan ng hindi ninyo pagkakaunawaan ng iyong mister. Dahil mas magiging mahirap para sa kanya na itaguyod ang inyong pamilya kung mayroong iringan sa pagitan mo at sa kanyang partido.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest