Selosang misis
Dear Vanezza,
Tawagin mo na lang ako sa pangalang Pam. Ako po ay may asawa at anak. Ang asawa ko po ay nagtatrabaho sa ibang bansa. Natakot lang po ako na dumating ang point na may makilala siya doon at mangyari ang ‘di inaasahan dahil alam naman po natin na maraming tukso sa abroad. Ano po kayang dapat kong gawin para mapanatag ang loob ko, na kami lang ng anak niya? Madalas po akong magselos kahit hindi na dapat ipagselos. Produkto po ako ng broken family at ayokong mangyari ito sa akin.
Dear Pam,
Ang selos na nasa lugar ay hindi masama lalo pa’t ang isang nagseselos ay hindi natatalo ng emosyon. Normal ang selos na nasa lugar. Pero tila ang pagseselos mo ngayon ay hilaw pa. Nagseselos ka sa isang bagay na hindi pa nangyayari. Bago siya umalis dapat siguro’y pinaalalahanan mo muna siya na trabaho ang asikasuhin at lagi niyang iisipin ang pamilyang iniwan niya. Pero kahit ngayon, sa inyong pag-uusap ay maaari mo siyang paalalahanan sa maayos na paraan na may pamilyang umaasa sa kanya at naghihintay sa kanyang pagbabalik. Lagi mo rin siyang paalalahanan na mahal na mahal mo siya. Malaking bagay iyan para malihis ang isip ng mister mo sa pagtataksil o paggawa ng bagay na makakasira sa inyong pagsasama. Huwag mo rin kalilimutan na ipagdasal ang iyong mister upang magkaroon siya ng lakas na labanan anuman ang tuksong kanyang masasalubong doon. Hindi naman mawawala ang tukso kahit saang lugar. Ngunit nasa tao kung paano niya ito haharapin at tatanggihan.
Huwag basta magdududa ng walang dahilan dahil tiyak na ito ang pagsisimulan ninyo ng gulo at pagtatalo.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest