Ang babaing kinakain ang lahat (4)
SAMANTALANG si Sofia ay excited na ipakita si Tatiana sa mga co-teachers na dadalaw, si Almario ay manghang-mangha na naman sa biglang paglaki ng baby.
“Dalawang araw pa lang pero para nang dalawang taon si Tatiana!” sa isip ay naibulalas ni Almario. “Baka bukas-makalawa ay ‘sing-taas na ito ng 6-footer na tao!”
“Almario, napansin mo ba? Kaybilis tumangkad ng ating anak! Ibig sabihi’y napakalusog ni Tatiana!”
Yanig si Almario sa maling pananaw ni Sofia. “Pero, mahal, Sofia, dapat ay magtaka ka dahil hindi normal ang pagtangkad ng anak mo!”
“Anak natin, Almario, ano ka ba?” puna ng misis sa mister. “Ikaw ang mali! Normal ang pagtaas ng ating anak!”
Muli ay hindi na kinontra ni Almario ang opinyon ng ginang. Tingin niya’y naapektuhan ng mga pangyayari ang katinuan ni Sofia.
Dapat palang mapatingnan niya sa isang psychiatrist ang misis, sa loob-loob ni Almario. Hindi niya matatanggap na mabaliw nang tuluyan si Sofia.
May nag-text kay Sofia, tinunghayan agad ng ginang. Na-excite ito.
“Almario, padating na ang mga co-teachers ko! Pamemeryendahin ko sila! Mag-order ka agad ng pizza and soft-drinks in can!”
Napabuntunghininga ang mister. Pati ba ang salitang ‘paki’ o ‘please’ ay nalimutan na ng misis niya?
“Yes, dear, ngayundin,” Muling nanaig kay Almario ang pagiging dakila; dakilang utu-uto.
HINDI nga nagtagal, dumating na ang mga kapwa-guro ni Sofia. Tatlong female, dalawang male at isang ‘and others’ o bading; pawang dedicated teachers ang mga ito tulad din ni Sofia.
Nakangising nag-usisa ang mabait-masayahing bading. “Aber, Senyora Sofia, nasaan na ang baby na iyong ipinagmamalaki?”
Nasa crib si Tatiana, excited na itinuro agad ni Sofia.
“Ayy, napakalaki!?”
Hindi rin mapaniwalaan ng mga co-teachers na ang baby sa crib ay bagong silang.
“Sofia, binibiro mo ba kami? E para na itong tatlong taon, a!”
“Nice gimmick, Sofia. This is not your baby, of course.”
“Para namang anak ito ng mga higante, Sofy!”
Si Almario ay naghahain ng pizza, tahimik lang.
(Itutuloy)
- Latest