Hinuhusgahan dahil sa pakikipaghiwalay sa misis
Dear Vanezza,
Tawagin mo na lang ako sa pangalang Empoy. Nagkaroon po ako ng asawa at anak sa edad na 19 years old dala ng kapusukan. Nagsama lang kami ng dalawang taon at naghiwalay dahil sa madalas naming pag-aaway. Nagdesisyon na rin po ako na ipa-annul ang aming kasal. Ngayon po may pamilya na ang ex-wife ko. Ang akala ko matatapos na ang problema ko pag na-annul na ang kasal namin kaso po tuwing nalalaman ng ibang tao ang nangyayari sa amin iniisip nila na iresponsableng tao ako. Nandun ‘yung panghuhusga at kapag nanliligaw ako, kadalasan basted ako dahil na rin sa nakaraan ko. Ano po ang gagawin ko para mapaglabanan ko ang self-pity sa panghuhusga ng ibang tao sa akin, sa opisina at malalapit na kaibigan. Gusto ko na po maka-move on.
Dear Empoy,
Huwag kang mawalan ng pananalig sa Diyos. Wala kang mararating sa patuloy na pagmumukmok dahil sa pagkaawa sa sarili. Magtrabaho ka at magsikap. Patunayan mo sa ibang tao ang mali nilang akala sa iyo na ikaw ay iresponsable. Hindi dapat tumigil sa pag-inog ang mundo mo. Tingnan mo ang buhay sa positibong anggulo nito. May mararating ka kung ngayon din ay kikilos ka at magsisikap.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest