The ghost of ‘Padre Tililing’(39)
SA ABOT ng dunong ni ‘Padre Tililing’, inisip nito na nagkaroon ng paglikas ng libu-libong ibon mula sa ibang bansa—siguro ay mula sa napakalamig na lugar ng mundo.
At bakit namatay ang super-daming ibon pagdating na sa ‘Pinas?
“Napadaan sila sa mabahong lugar, sa sunugan ng nabubulok na basura.”
Nais manlumo ni ‘Padre’. “Dumayo pa sila sa bansa para lang mamatay.”
May sentido-kumon naman ang mga tao. Sinuri nila ang bagong kamamatay lang na mga ibon. Ito ba ay ligtas kainin?
Ang multo ni ‘Padre’ ay alam na ang mangyayari. May libreng makakain ang mga tao sa susunod na ilang araw.
“Purihin ang Diyos,” nausal ni ‘Padre’.
SA LUGAR nina Simon, kapansin-pansin na may mga sandali ng pagdududa sa sarili si Miranda.
“Ano ba ang gumugulo sa isipan mo?” tanong ni Simon.
“Simon...ako ba ay nakasasama sa pagkatao mo?”
Napabuntunghininga si Simon. “Miranda, para mo na ring tinanong—kung ang hangin ay basa o tuyo.”
“Gusto kong umiyak, mahal,” sabi ni Miranda. Umiyak na nga ito.
ANG MULTO ni ‘Padre Tililing’ ay naglalakbay sa kalawakan. Siya ay parang isang batang kinulang sa laro.
Nagpapalipat-lipat siya sa mga ulap, nasusundot ang mga balumbon na puno ng tubig.
Bigla na lang tuloy umulan sa ilang bahagi ng bansa.
Weeeinngg. Napaigtad ang ‘padre’. Muntik na muntik na kasi siyang masapol ng napakabilis na passenger plane.
Naunawaan niyang papunta ito sa Tsina.
Walang babalang hinabol ng ‘padre’ ang eroplano; wala rin pasintabing lumulan dito.
Nalimutan pa naman maging invisible; nakita ng mga sakay ng eroplano.
Nagkaroon ng gulo sa loob ng sasakyang panghimpapawid.
“Eeeeee! Aaahhh!” Sigawan-tilian ang mga pasahero.
Maymaya lang, napakabilis nang bumulusok ang sasakyang-panghimpapawid.
Sa bundok ito sumambulat na parang higanteng bola ng apoy! ITUTULOY
- Latest