Second Chance
Dear Vanezza,
Ako po’y nagkakagusto sa isang babaeng malayo ang agwat ng estado sa buhay. Alam ko na hindi ko maaabot kailan man ang panukat ng pamilya niya at maging akma sa mundong ginagalawan niya. Naniniwala ako na mahal din niya ako at hindi hadlang sa pag-ibig ang antas ng pamumuhay. Pero hindi ko na po matagalan ang sitwasyon ko lalo sa paningin ng kanyang partido. Kaya kinausap at pinaliwanag ko ang reyalidad sa pagitan namin. Sa huli ay tinawag niya akong duwag. Hindi ko na pinansin iyon dahil alam ko na pasasalamatan pa niya ako sa pagpapalaya ko sa kanya balang araw. Sa ngayon, nagsisikap pa rin akong maabot ang aking mga pangarap sa buhay. Nakatapos na ako ng kurso at may maganda na ring trabaho sa tulong ng pagtataguyod ng aking mga magulang. Kaya lang lalong hindi ko na maabot ang babaeng mahal ko dahil isa na siyang abogado at nakasama sa top 10 sa Bar Exam. Pareho pa kaming walang asawa ngayon. Kapwa rin kami nakapako sa aming propesyon. May pag-asa pa kayang manumbalik ang pagtingin niya sa akin? - Natoy
Dear Natoy,
Mayroon kang matatag na prinsipyo sa buhay at hanga ako sa paggamit mo ng sintido-kumon sa pagtimbang ng mga pangyayari bago gumawa ng desisyon. Pero iba na ang sitwasyon ngayon dahil nakatapos ka na at may tsansa nang magkaroon ng magandang buhay. Wala namang masama kung subukan mong magkaroon ng karugtong ang nakaraan. Anong malay mo baka hinihintay ka niya? Manalangin ka na sa pagkakataong ito, ay magtagumpay na ang inyong pag-ibig. Kung nagkahiwalay man kayo noon, love is lovelier the second time.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest