The ghost of ‘padre tililing’(4)
“NAWAWALA si Padre Tililing! Saan na napunta si Padre? Hu-hu-huuuy!” iyak-hagulgol ng ginang na nagmamalasakit sa ‘padre’.
Lahat sa dalampasigan ay nakihanap na rin; mahalaga sa kanila ang nagpapakabanal na lalaki.
“Dito ko huling natanaw si Padre, noong nananawagan siya sa atin tungkol sa padating na tsunami!” sabi ng isang saksi, nakaturo sa mismong dinaanan ng rumaragasang alon.
Kinabahan ang mga tao. Ibig bang sabihin—tinangay ng dagat ang butihing preacher?
Napaluha na ang mga nagmamahal sa ‘padre’.
Nagsipagdasal sila para sa kaligtasan nito.
“Mahal na Diyos, ituro Mo po sa amin si Padre Tililing!” sama-sama nilang dalangin.
Hinanap nila ito sa dalampasigan; ilan ang nagboluntaryong magbantay sa tabing-dagat.
Magdamag. Maghapon. Isa pa uling magdamag.
NAKARATING kay Miranda ang huling kaganapan sa fishing village.
Napangiti ang malupit na babae. “Nawawala ang mortal kong kaaway, Antonya. Very good!”
Nakiayon agad ang amiga. “Sana nga e tuluyang mawala si Tililing, Miranda. Panggulo lang siya sa ating operasyon.”
“Sinabi mo, Antonya. At sakaling magbalik pa siya, ako na mismo ang babaril sa kanya.”
HATINGGABI.
“Gising! Magsigising kayo, mga kabayan! Ibinalik na ng dagat si Padre!” sigaw ng tagabantay.
Nagpuntahan agad sa tabing-dagat ang mga taong nagmamahal kay Padre Tililing, may dalang pananglaw.
Nakita nga nila ito, nakahiga sa buhangin—patay na.
Nag-iyakan ang mga tao, mga bata, mga matatanda. Kay hirap tanggapin na binawi na ng Diyos ang hiram na buhay ng ‘padre’.
“Nakatihaya siyang nakaharap sa Langit. Hanggang sa huling sandali, hindi nakalimot sa Diyos si Padre Tililing,” sabi ng matandang mangingisda. (ITUTULOY)
- Latest