Ang pagiging ‘Nay’ ‘Tay’ (2)
Ito ay karugtong ng paksa kung paano ka magiging mabuting magulang kahit na ikaw ay “Single Parent†at nag-iisa sa buhay. Narito pa ang ilang hakbang:
Pagmamahal. Walang ibang mabuting paraan sa pagpapalaki ng anak kundi ang mabigyan sila ng pagmamahal. Kung busog sa pagmamahal ang iyong anak, wala kang dapat na ipangamba. Bagama’t iisa ka lang para sa kanila, kung palagi mo silang niyayakap, inaaruga at sinasabi ang iyong pagmamahal para sa kanila, tiyak na hindi sila maghahanap ng pagmamahal mula sa ibang tao, na mag-uudyok sa kanila na mag-asawa ng maaga.
Pangangalaga. Dahil nga nag-iisa ka lang sa buhay bilang magulang, wala ka ng magagawa kundi magtrabaho at itaguyod ang iyong mga anak. Masyadong mahirap ito lalo na kung ang iyong anak ay maliit at wala pang muwang. Sa ganitong sitwasyon ay wala kang ibang magagawa kundi ipagkatiwala ang iyong anak sa ilang miyembro ng iyong pamilya gaya ng iyong nanay, tatay, kapatid o pinsan. Kung wala naman available sa kanila, maaari kang maghanap ng mga day care center, ngunit tiyakin na mapagkakatiwalaan mo ang mga taong mangangalaga rito.
Tulong mula sa iba. Kung nagbibigay ng tulong ang iyong pamilya o mga kaibigan, hindi masamang tanggapin ito. Hindi dapat kaawaan ang sarili sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila na kaya mong palakihin ang iyong mga anak sa sarili mo lamang. Mas magkakaroon siya ng kumpiyansa at mabuting tao kung maraming nagpapakita sa kanyang ng pagmamahal bukod sa’yo.
Balanseng oras. Pag-aralan mabuti ang iyong oras at ang schedule ng iyong mga anak lalo na kung sila ay nag-aaral. Sa ganitong paraan ay mapapanatili mo ang bonding ninyo sa isa’t isa at hindi mawawalan ng panahon para malaman kung siya ay may hinaharap na suliranin sa eskwelahan o sa kanyang sarili. (ITUTULOY)
- Latest