Ambisyosang misis
Dear Vanezza,
Ako po ay isang security guard sa isang grocery. Nagsimula ang problema ko nang mawalan ng trabaho ang aking misis. Naging madalas na mainitin ang ulo niya at laging mapanumbat. Madalas din niya akong sabihan na walang kuwenta at walang silbi. Gusto niya mag-abroad ako. Kaso marami na akong inaplayan pero wala akong suwerte. Saka naiinggit siya sa mga kaibigan niya na nasa abroad ang asawa. Ako man ay may pangarap para sa pamilya ko na makaahon sa kahirapan, pero sadyang mailap ang suwerte. Parang gusto na po akong iwanan ng aking asawa dahil hindi ko naibibigay ang mga materyal na bagay na gusto niya. Sana po’y mabigyan ninyo ako ng payo. - Roy
Dear Roy,
Ang mag-asawa ay nagsumpaan na magsasama sa hirap at ginhawa. Ang kahirapan ay hindi dapat maging dahilan ng paghihiwalay. Ito ay dapat ma- ging challenge para sila ay kapwa magpunyagi para makaahon sa kahirapan. Ang unang magsa-suffer sa paghihiwalay ng mag-asawa ay ang mga anak kaya maraming napapariwarang mga kabataan dahil sila’y biktima ng broken families. Mabuti na lamang at wala pa kayong anak na maaring magdusa. Magsikap ka lang at marahil kung makita ng misis mo na ginagawa mo naman ang lahat para kayo umunlad, ay magbago ang kanyang isip. At sa halip na magrebelde, bakit hindi humanap ng ibang mapapasukan ang misis mo para magkatuwang kayo sa paghahanapbuhay? Samahan mo rin ng panalangin na ang inyong pagsasama ay tumibay at malagpasan ang kinakaharap na pagsubok.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest