Naudlot na pag-ibig
Dear Vanezza,
Tawagin n’yo na lang akong Ambo, 24, isang taho vendor. Sa aking paglalako tuwing umaga, nagkaroon ako ng suki. Magandang dalaga na nagpatibok ng aking puso. Mabait siya sa akin at laging nakangiti kaya inakala kong may gusto s’ya sa akin. Tumibay ang paniniwala ko tungkol dito dahil kapag hindi ako nakakapagtinda ay binibiro niya ako na na-miss niya raw ako. Kaya sinulatan ko siya at nagtapat ng aking pag-ibig. Pero mula noon ay hindi na siya nagpakita. Ngayo’y may dalawang buwan ko na siyang hindi nakikita. May nakapagsabi sa akin na nag-migrate na sila ng kanyang pamilya sa Canada. Nanghihinayang ako sa naudlot kong pag-ibig.
Dear Ambo,
Maaring ang pagpapakitang giliw sa’yo ng babaeng iyon ay napagkamalan mo lang na may gusto rin sa iyo. Gayunman, naging tapat ka lang sa iyong nararamdaman. Hindi masamang umibig ang isang ordinaryong tao sa isang may kaya pero kung minsan, may mga nabibigo. Hindi man nagtagumpay ang pag-ibig mo sa kanya, ituring mong isang magandang karanasan na nakilala mo siya. Darating din ang panahon na matatagpuan mo ang babaeng tutugon sa pagmamahal mo.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest