In-love sa ka-textmate
Dear Vanezza,
Ang problema ko po ay tungkol sa aking asawa at ka-textmate ko. Nararamdaman ko po na lumalayo na ang loob ko sa aking mister at nahuhulog naman ang loob ko sa isang lalaking nakilala ko lang sa text. May isa po akong anak na lalaki na anak ko naman sa pagkadalaga. Sa kabila noon ay pinakasalan ako ng aking asawa. Wala naman akong masasabi sa kabaitan ng aking asawa, pero ang reklamo ko lang, pinababayaan na niya ako. Mayroon naman siyang trabaho, pero pagkaraang makasuweldo, ubos na ang pera niya sa bisyo. Kapag binabanggit ko sa kanya ang problema namin sa pera, nagagalit siya. Kung ubos na ang kanyang suweldo sa akin pa nga siya nahingi para sa gastusin niya sa sarili. Nabanggit ko na pinababayaan na ako ng aking asawa dahil hindi man lang niya ako mayayang kumain sa labas kung may pera siya. At kung maisipan niyang magyaya ng pamamasyal, nakakansela ito dahil wala na raw siyang pera. Ito namang ka-textmate ko, sobrang maalalahanin. Lagi niya akong pinapasahan ng load. Minsan nireregaluhan ko siya at malugod naman niyang binabanggit sa kanyang text ang pagkakatanggap niya ng regalo at ang kanyang walang sawang pasasalamat. Ang nais niya ay magkita na kami. Nasasabik na raw siyang makita ako nang personal. Ako din ay sabik na ring makita siya. Habang ang asawa ko ay walang pakialam sa akin, itong kaibigan ko sa text ay laging nagpapagunita ng pag-ingat ko saan man ako magpunta. Payuhan mo nga ako. - Bes
Dear Bes,
Naghahanap ka lang ng excitement sa buhay mo kaya ka naeengganyong makipagkaibigan sa ibang lalaki at nasasabing nahuhulog na ang loob mo sa ka-textmate. Hindi mo pa nga kilala nang ganap ang lalaking ito pero umookupa na siya ng malaking bahagi ng pag-iisip mo. Makipaglinawan ka nang husto sa mister mo hinggil sa problema ninyo sa pera. Kung maganda ang tiyempo, puwede mong sabihan ang asawa mo na nawawalan ka na ng kuwenta sa kanya dahil bisyo ang kanyang inaatupag. Tungkol naman sa ka-textmate mo, magdahan-dahan ka dahil hindi mo pa naman siya lubusang nakikilala. Siyempre maalalahanin siya dahil nireregaluhan mo pala siya. Ang sabi mo nga, hindi naman masamang tao ang iyong mister dahil kahit mayroon kang anak sa pagkadalaga ay pinakasalan ka pa rin niya. Hahanap ka lang ng sakit ng ulo kapag hiniwalayan mo ang asawa mo at papatol sa iyong ka-textmate. Mag-isip kang mabuti.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest