Summer health awareness
Kasabay ng mga nauusong summer get aways ay ang mga iba’t ibang health concern tuwing summer. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:
Singaw
Sa paliwanag ng mga health care expert, sinasabing ito ay maaaring kabilang sa epekto ng labis na init na nararanasan, lalo na tuwing summer. Dahil maging ang ating katawan ay may natural na paraan para mailabas ang labis na temperatura. At ito ay maaaring sa pagkakaroon ng singaw.
Ang pagkakaroon ng singaw ay naiuugnay din sa kakulangan ng katawan sa Vitamin C o ascorbic acid. Dahil bukod sa pagluwag ng kapit ng ngipin, pagdurugo ng balat at mucuous membranes, ang pagkakabutas-butas ng gilagid ay nararanasan din ng taong walang sapat na supply sa katawan ng Vitamin C, tinatawag itong scurvy.
Pangkaraniwan umano ang scurvy sa mga mandaragat, kung saan lemons o oranges ang ipinanggagamot nila. May mga magulang naman na naniniwalang ang pagpapahid ng buong tawas sa bahaging apektado ng singaw ay makatutulong para mawala ito agad.
Maaari ring ikonsidera ang pagkonsumo ng mga natural na pagkaing mayaman sa Vitamin C, gaya ng makakatas na prutas para mapunan ang kakulangan ng katawan dito at maproteksyunan ang sarili laban sa singaw. May iba’t ibang Vitamin C supplement na rin na mabibili sa mga lisensiyadong drug store na maaaring makatulong. Hingin ang payo ng inyong doktor kaugnay dito.
Bulutong-tubig o chickenpox
Sinasabing dulot ito ng herpes zoster virus. Naipapasa umano ito kapag nakasinghot ng droplets mula sa ubo, bahing o hininga ng taong infected na ng virus.
Kadalasan, nakikita ang sintomas ng pagkakaroon ng bulutong makaraan ang mula 10 hanggang 21 araw matapos malantad sa virus. Sinasabing nagsisimula ang yugto na maaari itong maipasa sa iba, dalawang araw bago makitaan ng sintomas ang infected ng virus. Mananatili ito hanggang sa lumabas ang huling makating butlig. (Itutuloy)
Sa yugtong ito, mahalaga na umiwas na magkaroon ng contact sa taong infected. Pero sa mga pag-aaral kung isa sa miyembro ng pamilya ang may bulutong, 9 na ulit sa 10 ang mahahawa. Makakatulong din bilang depensa ang pagpapabakuna sa mga batang mahigit isang taon na hindi pa nagkakabulutong.
Sa maraming pagkakataon ay humuhupa ang epekto ng virus kung saan nagiging inactive ito. Sa sandaling mangyari ito, mapapansin naman ang makirot na blistering rash sa balat, tinatawag naman itong shingles.
Heat stroke
Kabilang sa heat related illness ang heat stroke na ang pinaka-karaniwang sintomas ay ang mabilis na pagtaas ng temperatura ng katawan, hallucination at ang pagkawala ng malay. Maaari rin namang magsimula sa pananakit ng ulo hanggang makaranas ng pagkahilo.
Sanhi ito nang kawalan ng paraan ng katawan para mailabas ang sobrang init na nararanasan. Karaniwan na nagagawa natin na maibaba ang internal heat mula sa katawan sa pamamagitan ng pagpapawis.
Kaya lamang may pagkakataon na ang sobrang init at ang pagkakaroon ng aktibidad sa ilalim ng araw, ayon sa mga expert ay nakaiimpluwensiya sa pagpalya ng cooling system na ito ng ating katawan. Dahilan para dumanas ng heat stroke.
May ilang inirerekomenda para makaiwas dito, hangga’t maaari ay mabawasan ang aktibidad na nakabilad sa araw, magsuot ng maluluwag o loose-fitting, magaan at may matingkad na kulay ng damit at ang madalas na pag-inom ng tubig.
Pigsa
Ang pigsa o boil ay sakit sa balat kung saan ang bahagi na karaniwang apektado ay mga parte ng katawan na may buhok o kaya’y lumilikha ng friction kapag ikinikilos, gaya ng leeg, kilikili, genitals, dibdib, mukha at puwetan.
May mga kaso na lumalaki ito at dumadami, tinatawag itong carbuncles.
Ang bacteria na nakapasok sa hair follicle o ‘yung tinutubuan ng balahibo ang sanhi para mamula, magkanana ang tissue ng balat na nagreresulta naman sa pamamaga o pagkakaroon ng umbok nito.
May kaso na ang lumubhang pigsa ay nagkakaroon ng komplikasyon kaugnay sa pagkalason ng dugo, tinatawag itong septicemia.
Maiiwasan naman ang pagkakaroon ng pigsa kung magiging maingat at magiging regular ang hygiene sa katawan. Kabilang dito ang regular na paghuhugas ng kamay. Kung hahawak sa pigsa, makabubuti na maghugas ng kamay gamit ang antibacterial soap bago at pagkatapos nito. Makatutulong din ang pagsasagawa ng warm press para mabawasan ang kirot na dulot nito. Huwag kamutin, kutkutin o pisain ang pigsa.
Sasandaling pumutok na ito, maingat na pisilin para mapalabas ang nana. Pagkatapos nito ay hugasan ng sabon, patuyuin saka balutan ng malinis at tuyong bendahe. Gawin ito araw-araw hanggang matuyo ang sugat.
Maaaring uminom ng pain reliver kung hindi na matagalan ang kirot na dulot ng pigsa. Huwag maglagay ng kung anu-anong pamahid lalo na kung ito’y walang rekomendasyon mula sa inyong doktor.
Karaniwan na inirereseta kaugnay sa pigsa ay antibiotics, pero tanging sa lisensiyadong doktor sumangguni para masigurong wasto at ligtas ang inyong iinuming gamot.
Ayon sa mga health expert, ang bacteria mula sa pigsa ay maaaring magdulot ng food poisoning, kaya mag-ingat.
- Latest






















