Naiinis sa pamangking batugan
Dear Vanezza,
Ako’y isang matandang dalaga at 64 anyos na. Kahit ako’y walang asawa, naging maligaya ako sa piling ng aking dalawang pamangkin. Mula ng mamatay ang kanilang mga magulang ay ako na ang nag-alaga sa kanila at nagpa-aral. ‘Yung isa ay may pamilya na at naninirahan sa Amerika. Kasama ko sa bahay ang isa ko pang pamangkin na may pamilya na rin. Ang problema ay tungkol sa mister niya. Batugan ang asawa niya. Dati ay nagtatrabaho siya pero mula nang matanggal sa trabaho ay hindi na nagsikap. Umaasa na lang sila sa kita ng aking grocery. Nahihiya naman akong pagsabihan ang lalaki kaya sinabi ko na ito sa pamangkin ko na pagsabihan niya ang kanyang asawa pero hindi naman niya ginagawa. Ngayon ay buntis pa ang aking pamangkin at magiging tatlo na ang kanilang anak. Ano ang mabuti kong gawin? - Meding
Dear Meding,
Likas sa ating mga Pilipino ang masyadong kimi na sumita sa taong nagkakamali. Pero kung nagmamalasakit ka sa iyong pamangkin na itinuturing mo nang anak, mas dapat mong ituwid ang maling ginagawa ng kanyang asawa. Sa maayos na salita ay kausapin mo ang kanyang asawa na lumalaki ang kanyang pamilya at hindi sasapat ang kita ng tindahan kung dun iaasa ang lahat ninyong pangangailangan. Kaya dapat din siyang magsikap na maghanap ng trabaho bilang dagdag kita sa grocery. Kailangan ninyong magtulungan dahil hindi sa habang panahon ay ikaw ang aaruga sa kanila.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest