Dapat pa bang magsama dahil lang sa mga anak?
Dear Vanezza,
Nais ko pong malaman kung dapat pa bang ipagpatuloy ng mag-asawa ang kanilang pagsasama nang dahil lang sa kanilang mga anak? Ito po kasi ang problema ngayon ng kapatid ko sa kanyang asawang iresponsable na, babaero pa. Tatlo na ang anak nila at mahigit 4 na taon na silang nagsasama. Naaawa po kasi ako sa kanya. Nakikita ko ang kanyang pagtitiis sa piling ng kanyang walang kuwentang asawa. Kapag tinatanong ko siya kung bakit siya nagtitiis sa lalaking iyon, sabi niya ayaw niyang masira ang kinabukasan ng kanyang mga anak. Gusto raw niyang maging solid ang kanilang pamilya at hindi broken. Ano kaya ang magagawa ko para makumbinsi ko ang ate ko na layuan na ang asawa niya. Maliit pa kami ay very close na at hindi lang magkapatid kundi matalik na magkaibigan ang turingan namin. - Louis
Dear Louis,
Nauunawaan ko ang damdamin mo para sa iyong kapatid. Pero dapat mong unawain na mayroon na siyang sariling buhay. Kung sa kabila ng lahat ay patuloy siyang nakikisama sa kanyang “iresponsableng asawa” iyan ay desisyon niya na dapat mong igalang. Kung sila’y may 3 anak sa mahigit 4 na taong pagsasama, ibig sabihin maligaya siya at mahal niya ang kanyang mister. Hinahangaan ko rin ang disposisyon ng ate mo na pangalagaan ang kapakanan ng kanilang mga anak sapagkat totoong masama ang epekto ng paghihiwalay ng magulang sa mga bata. Kung ang pakahulugan mo sa iresponsable ay tamad lamang pero hindi naman nambubugbog o gumagawa ng bagay na ikakapahamak ng buhay ng ate mo, hindi ko maipapayo ang paghihiwalay. Napakasagrado ng kasal at sumumpa silang magsasama sa hirap at ginhawa. Maari mong sabihing nasa ate mo ang hirap at nasa mister niya ang puro ginhawa pero wala tayong karapatang humusga. Kung masama ang inuugali ng asawa, posibleng sa ipinapakitang magandang halimbawa ng kanyang misis, siya ay magbago.
- Latest