‘Hahanapin Kita (27)’
NAPATAYO si Gabriel, hindi makapaniwala sa sabi ng ispiritista. “A-ano ho?”
“Hindi ka raw kilala nitong nobya mo, Gabriel,” ulit ng biyudang ispiritista. “Natitiyak mo bang nobya mo ‘tong si Cristina?”
Natigilan si Gabriel, napatingin kay Sandra. Taka rin ang dalaga.
“Sino hong Cristina?”
Kinabahan ang ispiritista. “H-Hindi itong si Cristina ang nobya mo?”
“Holy shit! Carmina ang girlfriend ko! Hindi Cristina!”
“Mali! Mali! Nabingi ang tenga ko!” tarantang sabi nito. Hindi malaman kung paano mag-a-apologize kay Gabriel at sa di-nakikitang kaluluwa ng ibang dalaga.
Frustrated na frustrated si Gabriel. Pinapayapa siya ni Sandra.
“Gabriel, relax muna. Ipaulit natin. Ang importante’y kaya niyang kumontak ng mga taga-kabilang buhay.”
Abut-abot ang paghingi ng paumanhin ng ispiritista kay Cristina. “Patawad po, nagkamali lang po. Pasensiya na po, tao lang.”
“Paano kung gumigimik lang ang babaing ito?” bulong ni Gabriel.
“Gabriel, huwag ka munang maghusga.”
Si Sandra ang kumausap sa may-edad nang biyuda. “Pakiulit po ang pagkontak. Carmina po ang ngalan, official girlfriend ni Gabriel noong mamatay a few months ago.” “Kakailanganin ko ng dalawang oras na pahinga, miss. Napiga ako sa nangyaring mali.” Napahinuhod ni Sandra ang binata na maghintay, nagpunta muna sila sa pinakamalapit na kainang nasa tabing dagat. Hinagod ni Sandra ang buhok ng binata, dama ang malasakit. “Easy lang, Gabriel. Smile, sayang ang kaguwapuhan mo kung nakasimangot.”
“Kasing ganda mo si Carmina, Sandra.”
“Thank you. ‘Buti naman napansin mo ang beauty ko.”
“And I love her so. Saan ko siya makikita?”
Gustong sabihin ni Sandra: “Ako na lang ang mahalin mo, Gabriel. Buhay ako. Patay na si Carmina.” “Alam mo bang spiritual love na ang ibinibigay ko kay Carmina? Hindi na pisikal, hindi na makalupa.”
Hindi masabi ni Sandra ang nasa isip. “Handa kong punuan ang pangangailangan mo bilang lalaki. Gano’n kita kamahal.” ITUTULOY
- Latest