‘HAHANAPIN KITA (23)’
“MAGTAGO ka na! Hindi talaga kita tatantanan!” galit na galit na sigaw ni Gabriel habang hinahabol ang hitana.
Para silang dalawang atleta sa marathon sa bilis ng takbo. Ang hitana ay namamaybay sa highway; si Gabriel ay pawisan na.
Iniwan na sila ng sinakyan nilang bus. Walang pakialam ang mga lulan sa dalawa; kanya-kanya ng buhay.
Kakaunti ang sasakyang nagdaraan pero pagkabibilis ng takbo.
Biglang tumawid ang hitana, muntik-muntikang mahagip ng isang trak ng maggugulay. Galit ang busina nito. HONNKK.
Bago namalayan ni Gabriel, nakita niyang nakasabit na sa likuran ng isang cement mixer ang hitana, nagtatawang bumabay pa sa kanya.
“Damn! Mahulog ka sana!” gigil na pahabol ng binata.
Naiwan siyang naglalakad sa highway, walang masakyan.
Ginabi siya nang husto bago nakabalik sa Manila.
“KAWAWA ka naman, Gabriel,” napapailing na sabi ni Sandra nang sila ay magkita ng binatang propesor, sa canteen ng unibersidad. “Inuna mo naman kasi ang galit.”
“Ang Tito Polding mo ang pahamak. Kaylayu-layo ng bahay—‘yun pala’y bobolahin lang ako. Mabuti hindi ko nasuntok.”
“Pinuri ka naman, sa lakas daw ng kamao mo--kaya mo raw patulugin si Pacman.” Natatawa si Sandra.
Palagay na sila ni Gabriel sa isa’t isa. “Creative mambola ang tito mong ‘yon. Wala naman palang alam.”
“Hey, Gabriel, kung subukan mo kaya ang akin namang lolo? Ilang beses nang nakipag-communicate sa namatay ‘yon.”
“Sandra, my answer is No.”
“Titigil ka na sa paghahanap kay Carmina, is that it?”
Umiling ang binata. “Mali. Hahanap ako ng iba.”
“Hahanap ka ng ibang mamahalin?”
Natawa si Gabriel. “Hahanap ako ng ibang ispiritista.”
Duda kasi ni Gabriel, ang lolo ni Sandra ay posibleng nakakuwentuhan na ng Tito Polding ng dalaga. E di posibleng gagayahin na lang ng lolo ang hula ng nakababatang kapamilya.
“Gusto mo ba, samahan kita?” tanong ni Sandra, hindi maitago ang pagtatangi kay Gabriel.
(ITUTULOY)
- Latest