In-love sa pinsan?
Dear Vanezza,
Ako po si Ms. July. Nais ko pong malaman kung tama ba o mali ang nararamdaman ko sa aking boyfriend. Bago pa man kami maging mag-on, best of friends na kami high school pa lang. Nagkaroon na po siya ng gf at ako’y nagka-bf na. Nito pong college na kami naging mag-on dahil pareho na kaming malaya. Noong high school kami nahulog po ang feelings ko para sa kanya pero pinigil niya dahil hindi raw puwede at kami’y mag-pinsan. Pero nitong college nagulat ako nang ligawan niya ako. Sa ngayon po ay mag-4 months na kami. Itutuloy ko po ba ang relasyong ito kasi madalas din kaming mag-away? Hindi ko kasi maintindihan kung mag-pinsan talaga kami o malayong kamag-anak. Tama ba ang relasyon namin? Dapat po ba itong patagalin o putulin na? At kung puputulin ko ang relasyon, maibabalik pa ba sa dati ang pagkakaibigan namin?
Dear Ms. July,
Hindi kita mapapaliwanagan tungkol sa pagiging magkamag-anak ninyo ng bf mo dahil hindi mo nabanggit kung hanggang saan ang inyong relasyon sa dugo. Kung talagang nais mong malaman kung gaano kalayo o kalapit ang inyong pagiging mag-pinsan, ang dapat mong kausapin ay ang mga magulang mo. Sila ang higit na makakapagbigay-linaw sa inyong family tree. Tanging ikaw lang din ang makakasagot kung dapat bang putulin o hindi ang inyong relasyon. Sabi mo madalas kayong mag-away. Okay lang ang away kung paminsan-minsan at agad din namang naaayos. Pero kung ang away ay madalas at wala ng respeto sa isa’t isa, mag-isip ka na dahil walang kahihinatnan ang ganyang samahan.
- Latest