GHOST LAKE (10)
INAWAT ng mga nasa munisipyo ang hepe at si Paolo. Hindi natuloy ang iringan ng dalawa.
Si Mayor John ay nakatinging nanlilibak kay Paolo; alam ng una na lalabanan siya ng huli, sa nalalapit na eleksiyon.
Nakaalis na si Paolo nang magbulungan ang mayor at ang hepe.
“Tinutukan ko, nanginig ang puwet ni Paolo, mayor.” Nagtawa ang hepe. Nakitawa ang abusado ring punongbayan.
“Tatapusin daw ng Paolong ‘yon ang dynasty naming mga Montalvo, hepe. An’ taas ng pangarap.”
“Wala siyang kapanapanalo, bossing, este, mayor. Hawak natin ang mga tao dito sa San Isidro.”
“Ang multu-multo sa lawa ng Camachile, nakakabuwisit na.”
“Meyor, hindi naman nakakarating sa media. Balewala ‘yon.”
“Sabagay, alangan namang dahil lang sa multu-multo e paaapekto na tayo, ha, hepe?”
Nag-thumbs up ang dalawang magkasangga.
SI PAOLO ay nag-interview ng matatandang taga-Camachile. “Lumubog na galleon po, Tata Sinto?”
“Oo, Paolo. Nagmula sa malaking dagat, nakarating sa ating lawa, lumubog matapos makaengkuwentro ng mga katutubong mandirigma…” Hindi pa ulyanin si Tata Sinto kahit 80 na.
“May mga sakay pong Spanish senyoritas?”
“Iyon ang sabi ng mga ninuno ko, Paolo. Mga batambata pa, hindi pa dapat namatay noon…”
Naglaro sa diwa ni Paolo ang lumubog na galleon. Tiyak na kalansay na lang ang mga ito; bulok na rin ang galleon.
“Posible bang ang mga senyoritang Espanyola ang nagsisipagmulto?” tanong ni Paolo sa matandang lalaki.
“Wala nang imposible sa inyong panahon, Paolo.”
“Pero…bakit naman ngayon lang po sila…?”
“Iyan ang tanong na hindi ko rin kayang sagutin, Paolo. Bakit nga ba masyado namang huli ang paglitaw nila?”
Mula sa bahay ni Tata Sinto, naglakad-lakad sa tabi ng lawa si Paolo. Wala lang, nagbabakasakaling makita si Dolores. Ganitong gabi na kung mamasyal sa tabing-dagat ang misteryosang babae.
“Paolo.” Napalingon si Paolo. Naroon nga si Dolores. ITUTULOY
- Latest