Donna, nabilisan sa panahon

MANILA, Philippines — Nag-throwback si Donna Cruz sa tatlong dekada ng pagkakaibigan nila ni Mikee Cojuangco at Asia’s Songbird Regine Velasquez habang ipinagdiriwang ang 30th anniversary ng kanilang musical film na Do Re Mi.
Sa kanyang Instagram, ibinahagi ni Donna na espesyal ang pagbabalik-tanaw sa pelikulang naglapit sa kanilang tatlo, at nanatiling matatag ang kanilang pagkakaibigan sa paglipas ng panahon. “30 Years of DoReMi (11/13/1996—11/14/2026)! Sobrang bilis talaga ng panahon no? Ang saya lang po balik-balikan ng experience making this movie. More than the fun memories, what makes it extra special is that the three of us became genuinely close, and our friendship has remained through all these years, praise and thanks be to God!” caption niya.
Kamakailan lang ay nag-reunion din ang tatlo sa stage sa sold-out three-day concert series ni Regine na The Finale, noong Oct. 17 to 19, kung saan kinanta nila ang I Can at A Little Love Goes a Long Way.
Pinalabas noong 1996, naging box-office hit ang Do Re Mi at nakakuha ng bagong audience ang pelikula dahil sa online streaming.
Ang direktor ng Do Re Mi na si Ike Jarlego Jr. ay pumanaw noong 2012. Ilan din sa cast members ang namaalam na rin tulad nina Gloria Romero, Berting Labra, Ramil Rodriguez at Ricky Rivero.
Ethan at Calix, evicted!
Hindi nagawang mailigtas ng fans ang dalawa sa mga unang evictees ng Pinoy Big Brother (PBB) Collab Edition 3.0 na sina Ethan Banares ng Bacolod at Calix Esguerra ng Pampanga.
Sa unang eviction ng season, lumabas sa resulta na nakakuha sina Ethan at Calix ng pinakamababang porsyento ng boto.
Safe naman ang mga nakasama nila sa first eviction na sina Mikee Quintos, Nicole Fortuna, Nathan Garcia at Primo Alterado.
Lionel Richie, tinapos na ang pamamahinga
Nagpahinga muna sa pagtu-tour si Lionel Richie dahil sa problema sa puso, pero matagumpay siyang nakabalik sa stage.
Ang 77-year-old Hello singer ay bumalik na sa kanyang residency sa Wynn Las Vegas. Sabi ng music legend: “I want to make it a tribute to me! This is going to be a whole week of celebrating Lionel Richie.”
Nasa mas kondisyon si Lionel sa show, matapos maospital ng hindi bababa sa tatlong beses sa gitna ng kanyang Earth, Wind & Fire tour ngayong taon.
Dinala siya sa ospital gamit ang ambulansya noong June matapos makaramdam ng pagkahilo habang nagpe-perform sa St. Paul, Minnesota.
Na-admit din siya sa ICU o Intensive Care Unit sa St. Louis ng ilang araw dahil sa cardiac issues noong August.
Sumailalim si Lionel sa isang common procedure para sa irregular heart rhythm o Atrial fibrillation.
- Latest



















