Meralco Bolts muntik masilat ng Terrafirma
MANILA, Philippines — Nakaiwas sa silat ang Meralco kontra sa Terrafirma matapos ang dikit na 96-91 panalo upang manatiling walang galos sa 2024 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.
Nagpasiklab agad ang replacement import na si DJ Kennedy sa likod ng 32 points, 6 rebounds, 4 assists at 1 steal matapos humalili sa original reinforcement na si Akil Mitchell.
Nadale ng broken nurse injury si Mitchell sa nakaraang laban nila sa Rain or Shine kaya nalagay sa injured/reserve list ng Bolts na hindi naman nagpatinag kasama ang pamilyar ding import na si Kennedy mula sa East Asia Super League.
Umakbay kay Kennedy si Chris Newsome na may halos triple-double na 15 points, 9 rebounds at 8 assists para sa mga bataan ni coach Luigi Trillo.
Humakot ng 15 points si Raymond Almazan para sa Meralco na nakatabla ang NorthPort sa tuktok ng 13-team standings.
Naisakatuparan ito ng Bolts, unang tinalo ang Phoenix, 111-109, at Rain or Shine, 121-111, sa tulong din ni Jansen Rios na may 11 points.
Nahirapan sa simula ang Meralco na kumawala sa wala pang panalong Terrafirma bago rumatsada sa third quarter upang iposte ang 16 puntos na bentahe, 67-51.
Binura ng Dyip ang malaking deficit upang makatabla 91-91 matapos ang dalawang freethrows ni Vic Manuel.
- Latest