Mas bongga pa sa Indonesia... Teejay Marquez, walang galaw ang career sa ‘Pinas!
Nagmumukha namang kawawa si Teejay Marquez nang hindi makakuha ng suporta sa media sa ginawa niyang pagpapa-sexy sa isang fashion show ng isang undergarment manufacturer.
Tila walang pumansin sa kanyang ginawa kaya siya lamang ang nagpo-post ng kanyang mga picture sa kanyang social media account.
Kung mapapansin ninyo mga ilang buwan lamang ang nakaraan nang lumabas si Andres Muhlach sa fashion show ng pareho ring undergarment manufacturer, at ni hindi siya nagsuot ng undergarment ha pero pinag-usapan siya sa media. Nakatawag siya ng pansin.
Matagal na rin naman sa show business si Teejay, marami na rin siyang proyektong nagawa pero parang napansin lang siya noong itambal siya ng Regal kay Jerome Ponce sa isang BL series na unang napanood sa social media streaming.
Sa Indonesia naman ay sumikat si Teejay, aywan bakit dito sa atin ay hindi. Malas nga lang at naipit siya ng pandemic, hindi siya nakabalik agad sa Indonesia kung saan may nakahandang malalaking proyekto para sa kanya. Dito sa Pilipinas, hindi siya makaalis sa square one.
Ano nga kaya ang problema kay Teejay?
Sandro, binabaligtad?!
Posible bang lumabas na kasalanan pa ni Sandro Muhlach kaya nangyari sa kanya ang sinasabi niyang panghahalay sa kanya ng dalawang baklang independent contractors ng GMA 7 na sina Richard Dode Cruz at Jojo Nones?
Maliwanag na iginigiit ng abogado ng dalawang bakla na si Sandro ang kusang loob na nagpunta sa hotel room ng dalawa, may himig pang humihingi ng pahintulot dahil sa kanyang text na “baka pwede pong dumaan nang saglit.”
Iginigiit din ng abogado ng dalawa na kahit na saang kaso ang “burden of proof” ay nasa nagbibintang.
Ibig sabihin si Sandro ang dapat na maglabas ng lahat ng ebidensiya at ang gagawin lamang nila ay pasinungalingan iyon o maglabas ng duda sa mga ebidensiya at posibleng makalusot ang dalawang inaakusahan ng panghahalay.
Pero ang tanong, mababaliktad kaya ang kalalabasan ng kaso para pumabor sa dalawang suspect?
Chair Lala, nilinaw ang X
Binigyang diin ni Chair Lala Sotto ng MTRCB na kaya binigyan nila ng rating na X ang pelikulang Alipato at Muog, na tungkol sa pagdukot sa aktibistang si Jonas Burgos ay dahil sa mga restrictions ng PD 1986 ang batas na lumikha sa MTRCB.
Ganoon pa man sinabi niyang pinayagan nila iyong mailabas sa Cinemalaya dahil sa kahilingan ng CCP. Sinabi rin niyang pinayagan nila ang pagpapalabas ng pelikula sa UP Film Center at sa iba pang mga grupong estudyante pero para sa commercial distribution, sinabi nilang ipinagbabawal ng batas ang mga pelikulang nag-aalis ng tiwala ng mga mamamayan sa pamahalaan.
Ipinagtanggol din niya ang desisyon ng board na bigyan ng X rating ang isa pang pelikula, iyong Dear Satan. Inamin ng MTRCB Chair na bilang isang Kristiyano ay nainsulto rin siya sa pinalalabas na may mabuti ring magagawa si Satanas.
Pagkatapos noon sinabi ng MTRCB chair na ang chairman sa kanilang ahensiya ay walang kapangyarihan na baguhin o baliktarin ang desisyon ng board. Sinabi niyang ang pelikulang Alipato at Muog ay humiling ng panibagong review, iyon ay panonoorin naman ng ibang miyembro ng board at kung hindi nila gusto ang desisyon ng second review ay maaari silang umapela sa MTRCB en banc at kung hindi pa rin sila kuntento maaaring itaas iyon sa review committee sa tanggapan ng Presidente ng Pilipinas na siyang magbibigay ng final decision.
- Latest