Rey, aminadong kokonti na ang kanyang panahon!
Tawa nang tawa ang entertainment press sa biro ng OPM icon na si Rey Valera tungkol kina Imelda Papin at Eva Eugenio.
Sa grand mediacon kasi ng pelikulang Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko (The Music of Rey Valera) na ginanap last Saturday isa sa napag-usapan ay ang yumaong si Rico J. Puno.
Nagbalik-tanaw si Rey noong bago pumanaw si Rico J. Aniya, “magkakasama kami nina Imelda Papin, si Rico Puno, si Claire dela Fuente at saka ako sa isang show. One week after, namatay si Rico Puno. Pandemya, namatay naman si Claire.”
Patuloy niya, “nu’ng magkita kami ni Imelda Papin, sabi ko, ‘sino ba ang susunod sa ating dalawa?’ Kako, ‘dati, ang mga kasabay natin sina Claire dela Fuente, patay na. Si Eva Eugenio naman, malapit na. Umiinom na ng formalin ‘yun, eh ‘di ba? Para ‘yung mukha, hindi malaglag.”
Tawanan.
Pero aminado naman din si Rey na talagang nasa dapithapon na rin siya ng kanyang buhay kaya naman ginagawa na niya ang mga gusto niyang gawin ngayon.
“Dahil kokonti na lang ‘yung panahon na binigay sa ‘yo, eh. Kaya in a hurry ako ngayon, eh,” he said.
Ang ginawa raw niya ngayon ay nagtayo siya ng isang maliit na kumpanya dahil gusto niyang mailabas ang lahat ng kantang ginawa niya na hindi pa nare-release.
“Ang mahalaga sa akin ay makapag-contribute pa ulit kung meron pa akong natitirang talent o maise-share. That way, you know, makapagpaalam ka nang maayos, marami ka pang nagawa. Kaya in a hurry ako ngayon,” sabi ni Rey.
Samantala, ang Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko (The Music of Rey Valera) ang kauna-unahang bioflick ni Rey. Aniya ay nagulat siya nang sabihin sa kanya ni direk Joven Tan na isasapelikula ang kanyang buhay at musika.
“Nu’ng nabanggit niya sa akin na may gagawin daw siyang project, at first, hindi siyempre ako naniniwala. Sino ba naman ang magkakainteres sa ganito?
“Ang una kong reaksyon is baka naman kailangan niya ng tulong para ano. Ibinigay ko ‘yung manuscript ng librong ginagawa ko kay direk,” kwento ni Rey.
After a year, kinontak daw siya ulit ni direk Joven at sinabi sa kanyang tuloy na ang project.
RK Bagatsing is portraying as Rey na talaga namang pinalakpakan ng lahat after the celebrity screening na ginanap pagkatapos ng mediacon dahil sa mahusay niyang portrayal.
Produced by Saranggola Productions, showing na this April 8 ang Kahit Maputi Na Ang Buhok ko (The Music Of Rey Velera) sa mga sinehan bilang isa sa official entries ng kauna-unahang Summer Metro Manila Film Festival.
Voltes V, may pa-sneak peek sa sinehan
Bago pa man umere ang ang groundbreaking action-packed live adaptation of Voltes V: Legacy sa GMA 7 ay mapapanood muna sa mga sinehan ang sneak peek ng first three weeks ng nasabing much-awaited series.
Mapapanood exclusively sa SM Cinemas from April 19 to 25 ang Voltes V: Legacy, the Cinematic Experience.
Pero siyempre, sneak peek pa lang ang mapapanood sa sinehan at ang mas kaabang-abang pa rin ay ang mas mahaba at action-packed version nito sa primetime TV.
- Latest