Kat Alano, may ‘breaking free’ sa rapist
Kahapon, muling nag-post ang modelo at dating video jockey na si Kat Alano sa kanyang social media account na “Breaking Free” tungkol sa pagdurusang nararanasan ng isang biktima ng rape. Sinabi ni Kat na siya ay naging biktima ng rape labimpitong taon na ngayon ang nakaraan, at hindi naparusahan ang gumawa noon sa kanya. Alam din daw niyang hindi lamang siya kundi marami pang ibang nabiktima ang rapist niya.
Pero gaya rin ng nangyari sa kanya, hindi siya nakakuha ng katarungan dahil sa takot. Alam niyang parang bumabangga siya sa pader, at bago pa man siya makakilos katakut-takot na paninira na ang pinalabas laban sa kanya para huwag maniwala ang mga tao sa kung ano man ang sasabihin niya. Inamin din niyang sinabihan siyang kung magdedemanda pa siya, wala ring mangyayari, at masisira lamang siya.
Pero simula raw noon ay may mga gabing hindi siya makatulog dahil sa takot. Naroroon pa rin ang pangamba na baka maulit pa ang nangyari sa kanya. Dinaramdam din niya ang alam niyang sa likod niya ay pinag-uusapan siya bilang isang rape victim. Hindi na rin daw siya nagkaroon ng maayos na lovelife, una dahil ang tingin sa kanya ng iba ay parang hindi na siya buo dahil rape victim siya. Ikalawa nasa kanya pa rin iyong takot kaya hindi rin siguro niya maharap nang tama ang mga ito.
Hanggang ngayon wala pang diretsahang tinutukoy si Kat Alano kung sino nga ang gumahasa sa kanya, puro lang naman siya “pasaring”, at ewan din kung sino ang sinasabi niyang iba pang mga babae na biktima rin at nagawang takutin ng serial rapist na bumiktima sa kanya. Tinukoy rin niya ang bashing na ginagawa sa kanila, ganoon din ang paggamit pati sa Diyos ng nang-rape sa kanya.
Nakakalungkot, hanggang ngayon wala siyang nadamang katarungan.
Marco, batang FM sa ‘Political Movie’
Si Marco Gumabao diumano ang gaganap na batang Ferdinand Marcos sa isang pelikulang nakatakdang gawin. Sinabi rin nila na si Jerome Ponce naman ang gaganap na batang Ninoy Aquino. Inilabas pa nila ang picture ni Marco at FM noong bata pa at may kaunti ngang pagkakahawig. Inilabas din nila ang picture ni Jerome na nakasalamin katabi ng picture ni Ninoy noong bata pa, may pagkakahawig din nga.
Hindi pa maliwanag kung ano naman ang ilalabas nila sa “political movie” na iyan. Hindi mo masasabing walang political motivation sa paggawa niyan. Pero sana hindi naman pagmulan ng panibagong gulo sa industriya.
Bagama’t ang director ay isang indie director, mukhang hindi na indie ang pelikula. Batay sa casting na narinig namin, mukhang malaki na nga ang budget. Ayos lang naman iyan, lalo na’t kung makukuha nilang muli ang suporta ng mga malalaking negosyante para bumili ng tickets nila sa sinehan. Hindi mo man masabing maganda ang pelikula nila, hindi maikakailang maganda ang kanilang marketing strategy para kumita ang kanilang pelikula, at sa ngayon iyon ang mahalaga.
Kailangan natin ng mga kumikitang pelikula para makumbinsi ang mas maraming investors na mamuhunan sa industriya.
Jessa, na-food poison sa pasta
Mag-ingat lalo na sa mga darating na Christmas parties kung saan karaniwang may inihahandang pasta. Ang singer na si Jessa Zaragoza ay naging biktima ng food poisoning at kailangang isugod sa ospital dahil diumano sa kinain niyang pasta.
Maaaring hindi niya napansin, pero medyo masama na ang kundisyon ng pasta na nakain niya. Nakadama siya ng matinding pananakit ng tiyan kaya siya isinugod sa ospital at iyon nga ang lumabas, food poisoning.
- Latest