Batikang direktor na si Romy Suzara, pumanaw
Noong isang gabi pa kami nagtatanungan, kasi nabalitang yumao na ang batikang director na si Romy Suzara, na itinuturing ding isang showbiz icon dahil sa maraming mahuhusay na pelikulang kanyang nagawa, at ang dami rin ng artistang sumikat dahil sa kanya.
Pero mukhang walang nakakaalam kung ano talaga ang nangyari, o ayaw muna nilang magbigay ng statement hanggang walang sinasabi ang pamilya ni direk.
Sabi nila, naoperahan daw si direk at may buto yata na pinalitan ng titanium. Pero hindi maliwanag sa amin kung nagkaroon ba siya ng aksidente kaya ganoon.
Mayroon namang nagsasabi na ang talagang sakit ni direk ay emphysema, na karaniwan lalo na sa smokers, lalo na at nagkakaedad na nga.
Basta ang sabi matapos ang operasyon two weeks ago, inilagay siya sa ICU, at nakaka-recover na naman. Conscious naman daw si direk, tapos noong makalawa nga ng umaga, bumaba nang bumaba ang blood pressure niya at nagtuluy-tuloy na nga raw.
Nagkaroon kami personally ng ganyang experience, bumababa ang aming blood pressure, kasi nga may bara na kami sa puso. Bukod sa gamot, itinaas nila ang gawi ng paa sa kama, para mas mataas ang paa kaysa sa ulo. Kaya may palagay kami na apektado rin ang puso ni direk kaya nangyari iyon.
Ang sabi pa, wala pa raw dumarating sa pamilya ni direk, at ang partner niyang si “Babes” lang ang naroroon.
Huli naming nakita si direk na nagdi-direct pa ng Sunday mass sa ABS-CBN. Siya ang director ng The Healing Eucharist, tapos noon ay nawala na siya sa eksena pero may sakit na pala.
Mapayapang paglalakbay, Direk Romy.
Luis at Jessy, may gender reveal
Ipinakita ni Luis Manzano sa kanyang social media account ang scan ng kanilang magiging anak ni Jessy Mendiola, at ang sinabi lang niya “thank God kamukha ng mommy.”
Pero bagama’t nagpa-scan, hindi nila sinabi kung lalaki ba o babae ang kanilang anak na binigyan na nila ng nickname na Peanut.
Tiyak reserved ang gender reveal sa isang baby shower na karaniwang ginagawa ngayon.
Masayang-masaya ang mag-asawa na finally magkakaroon na rin sila ng baby. Pero mas mukhang masaya si Ate Vi (Vilma Santos), dahil may bagong tatawag sa kanya ng “momshie” at saka siyempre iba ang dating dahil unang apo niya iyan.
Male starlet, atat sa TF tuwing raraket
May tsismis na naman si direk. Ayaw na raw niyang ka-date ang isang medyo bagets pang male starlet. Dahil basta daw nag-date sila, nagmamadali iyon para makuha na ang kanyang “tf” at pagkatapos aalis na agad.
“Aba mukhang mabilis pa sa metro ng taxi kung makalayas,” sabi pa raw ni direk.
Eh kasi naman bakit hindi pa nadadala si direk eh muntik na nga siya noon nang maka-date rin niya ang isang bagets na tsumugi sa isang barangay chairman.
- Latest