TV Patrol, ipalalabas na sa TV5?!
Noong isang araw pa namin narinig ang move ng ABS-CBN na makipag-tie up o maski merge sa ibang television networks, at sabi sa amin ng isang insider, “mukhang mas ok iyon kaysa na humingi pa ng bagong prangkisa.”
Nauna rito, pumasok na nga sila sa Beam, ang digital network ng Globe para maibalik ang kanilang Teleradyo sa free TV, kaya napapanood na ulit iyon sa digital receivers. Ngayon naman umuugong ang kanilang merger sa Media Quest, na siyang may-ari rin ng TV5. Pero hindi pa maliwanag ang extent ng merger. Gusto raw ng ABS-CBN na ang mailabas ay ang kanilang TV Patrol, pero mukhang hindi naman igi-give up ng TV5 ang kanilang news team.
Interesado rin daw ang Media Quest sa ilang kumpanya pa ng ABS-CBN, kabilang na nga ang Sky Cable na kalaban ng kanilang Cignal.
Iyan ang sana ay matuloy agad at baka tumino na ang serbisyo ng Sky Cable na walang dudang nag-deteriorate na sa ngayon.
May sinasabi pang mga content na gagawin ng ABS-CBN, na maaari ring ialok nila sa GMA 7. Ibig sabihin magiging content producers na lang sila, para mai-maintain ang mga natitira pa nilang mga tauhan, artista at facilities kahit na wala silang broadcast franchise.
In the meantime, babawasan daw muna nila ang magagastos na shows, gaya nga ng Ang Probinsyano.
Para kay Ate Vi (Vilma Santos), asahan ang maraming pagbabago sa industriya lalo na ngayon na naka-focus pa sa internet ang mga film producer.
Lately marami siyang nakakausap dahil sinabi naman niya na babalikan niya ang show business pagkatapos ng kanyang trabaho bilang congresswoman, na kung iisipin tapos na nga dahil wala na namang session, pero hinihintay pa rin niya ang ilang araw pa.
“May mga producer na nagbabalak nang gumawa ng pelikula para sa mga sinehan. Ngayon kasi ang mga producer natin, naka-focus pa sa internet. Kasi nga madaling gawin, low budget, maliit lang ang tax, wala pang problema sa MTRCB, pero knowing ang mga nasa administrasyon ngayon, may malasakit sila sa pelikula noong araw pa, kaya ang inaasahan ng mga legitimate producers, tutulungan sila,”sabi ni Ate Vi, na nagsabing maski ang mga sinehan umaasa sa tulong ng gobyerno ngayon.
“Maski sa television eh, positive ang tingin ko. Ang tagal na panahon na parang dalawang networks lang ang naglalabanan. Ngayon sinasabi nila may mga bagong papasok, at maraming datihan na posibleng bumalik sa television. Malalaman natin iyan in a few days,” sabi pa ni Ate Vi.
- Latest