Gina,naalala nang makulong dahil sa droga
Malapit nang umabot sa 2 million ang followers sa TikTok ang award-winning veteran actress na si Gina Pareño na ngayon ay meron nang 1.7 million. Si Gina na marahil ang oldest among the TikTokers na kadalasan ay ginagawa ng millennials.
Personal na inamin sa amin ni Gina na totoong bored na bored na siya sa loob ng kanilang bahay dahil wala umano siya gaanong ginagawa lalo na nung simula ng lockdown noong isang taon. Isang araw, nakita umano niya ang kanyang apong si Shayne na nagti-TikTok sa kanyang kuwarto at nakisali siya. Nang ito’y i-upload ay nag-viral at ito umano ang nag-udyok kay Gina na gumawa ng sarili niyang TikTok na hindi umano niya akalain na magki-click.
Ayon kay Gina, energy booster umano niya ang trabaho o kapag may ginagawa o pinagkakaabalahan siya.
Kung dati-rati’y kabi-kabila ang mga proyektong kanyang ginagawa, ngayon naman ay paisa-isa lamang lalo na kapag siya’y nasa lock-in shoot or taping.
Pagkatapos ng pelikulang Tililing which was streamed on Vivamax kamakailan lamang, nakatakda siyang magkaroon ng panibagong lock-in shoot sa isa na namang Viva project, ang Ang Manananggal Na Hindi Nahahati ang Puso mula sa panulat at direksiyon ni Darryl Yap na siya ring sumulat at nagdirek ng Tililing. Kasama ni Gina ang anak niyang aktres na si Racquel Pareño.
Hindi ikinakaila ng veteran actress na sumubok umano siya sa drugs noon pero hindi umano siya nagumon dito. Nagkataon naman na nahuli siya dahil sa droga at naging daan ng kanyang pagkakulong.
Dahil doon ay napasok siya sa DARE for rehab at paglabas niya ay hindi na umano siya sumubok muli ng ipinagbabawal na gamot. Inayos niya ang kanyang buhay at muli siyang naging aktibong muli sa kanyang showbiz career. “Isa ‘yun sa madilim na bahagi ng career at buhay ko,” pag-amin niya.
At dito muli unti-unting nabawi ni Gina ang kanyang ningning bilang isang mahusay na actress.
Mr. M umpisa na
Ngayong pasok na bilang consultant si Johnny Manahan or Mr. M sa bakuran ng GMA, tiyak na maraming mga pagbabago ang inaasahang mangyari lalo na sa management at development ng mga Kapuso contract talents under GMA Artists Center.
Alam ng marami na mahigit tatlong dekadang pinamunuan ni Mr. M ang Star Magic, ang talent management arm ng ABS-CBN which he co-founded with former ABS-CBN president na si Freddie Garcia. Kung ano ang kanyang ginawa sa Star Magic, tiyak na ito’y kanya ring ipapatupad sa kanyang bagong pinaglilingkuran.
Aasahan din na magkakaroon ng mga pagbabago sa ongoing Sunday musical variety show na All-Out Sundays na siyang rival program ng ASAP Natin ‘To ng ABS-CBN na si Mr. M din ang nagdirek hanggang sa siya’y mag-resign bilang director ng programa.
Bukod sa mga homegrown talents ng GMA, muling makakatrabaho ni Mr. M ang dati rin niyang stars and talents sa ABS-CBN tulad nina Bea Alonzo, John Lloyd Cruz, Pokwang, Derek Ramsay, Richard Yap, Rayver Cruz at iba pa na lumipat na rin sa Kapuso network.
- Latest