Direk Toto, mas naalala ang kabaitan
“Ngayon, nawalan ang pelikulang Pilipino ng isang bayani,” sabi ng DGPI kasabay ng kanilang pakikiramay sa pagkamatay ni direk Toto Natividad.
“Bakit si Toto pa,” ang tanong naman ng iba. Pero ganoon talaga ang buhay. Lahat ng nabubuhay, isang araw ay mamamatay din. Hindi lang natin alam kung kailan.
Marami ang nanghinayang at maagang nawala si direk Toto, siguro masasabi naming isa na rin kami roon dahil madalas namin siyang makausap noong panahong aktibo pa siya, noong panahong hindi pa nagkakaloko-loko ang takbo ng industriya ng pelikula. Napakaraming progresibong ideya ni direk Toto na pinaniniwalaan naming kung nagawa lang niyang lahat, magiging malaking tulong para sa industriya.
Pero may dumarating na mga pagsubok. Bagama’t siya ang nagdirek at unang nagpataas ng ratings ng Ang Probinsiyano sa telebisyon, nawala sa kanya ang project.
Noon namang may sinimulan siyang malaking proyekto sa GMA 7, natigil naman iyon dahil sa nangyaring aksidente sa actor na si Eddie Garcia.
Nabaling ang atensiyon ni direk Toto sa kanilang barangay sa North Bay sa Navotas, at maging ang mga kapitbahay niya, na alam namin dahil kaibigan namin ang isa sa mga kapitbahay niya roon, ay nagsasabing kakaibang sipag ang ipinakikita ni direk Toto bilang barangay chairman nila. Ang kasipagan at katapatan ni direk Toto sa kanyang tungkulin bilang chairman ng barangay, ay siya rin namang naalala ni Navotas Mayor Toby Tiangco at binanggit sa kanyang mensahe ng pakikiramay.
Ang mga tao naman sa show business, ang laging naaalala na si direk Toto ay laging nakangiti kahit na minsan ay may mga problema sa shooting.
Hindi rin siya maramot sa kanyang nalalaman at maraming mga tao ang kanyang tinuturuan kung ano man ang alam niya para magamit nila ang mga karunungang iyon para umunlad din sila sa kanilang career at sa kanilang buhay.
Sayang, maagang nawala si direk Toto. Ito kasi iyong panahong marami pa siyang magagawa kung hindi nga lang parang pinagtampuhan ng panahon ang industriya. Nakasara ang mga sinehan, walang gumagawa ng pelikula dahil wala namang lalabasan. Lahat halos sa industriya ay nakatunganga, at ang karamihan ay ignored naman sa mga ayuda dahil paniwala nila ang mga artista, at mga director mayayaman lahat iyan.
Joshua, ‘di sinama si Julia sa kanyang showbiz anniversary
Pitong taon na rin pala ang showbiz career ni Joshua Garcia, at alam naman ninyo, dahil sa umiiral na lockdown, gusto man ng fans niya ng isang celebration hindi magagawa iyon. Naglabas si Joshua ng mga picture niya na itinuturing
niyang naging mahalagang bahagi ng kanyang pitong taong career.
May nagtatanong, bakit wala sa picture ang dati niyang ka-love team na si Julia Barretto? Na itinatanong naman ng iba,”bakit kailangang naroroon siya?”
Mas tumakbo nang maganda ang career ni Joshua noong siya ay makakawala na isang love team, na lumalabas na hindi nakatulong kundi naging mabigat na dalahin pa sa kanyang career.
Claire, nakangiti...
Saan man naroroon ngayon si Claire dela Fuente, marahil nakangiti siya dahil ang kasong rape with homicide, na kinabibilangan ng kanyang anak ay tuluyan nang ibinasura ng piskalya sa Makati, dahil sa kawalan ng makatuwirang ebidensiya.
Aminadong mga bakla ang 11 kinasuhan, at maging ang medico legal ay nagsabing ang ikinamatay ng biktima na si Christine Dacera ay aortic aneurism.
Saan nga naman papasok ang rape with homicide na bintang at pinanindigan ng mga pulis? Isa iyan sa ipinaglalaban ni Claire bago siya namatay, hindi lamang dahil sa nadamay ang isa niyang anak, kundi dahil sinasabi nga niya na ang bintang ay hindi makatarungan.
- Latest