Dimples, Beauty, Seth at Andrea, yumaman sa Kadena …
Grabeng iyakan ang naganap kahapon sa finale presscon ng Kadenang Ginto. Hindi napigilan ng mga cast na maging emosyonal habang sinasabi nila ang experience at ang mga nagawa sa buhay nila ng nasabing serye na 16 months ding umere. Kaya naman hindi mo sila masisi kung naging close na silang lahat at naging very memorable rin sa kanila ang show simply because sinubaybayan ng napakaraming televiewers.
Sa simula pa lang ng Q&A ay napaiyak na ang baguhang si Criza Taa, Dimples Romana and Beauty Gonzalez. Medyo emosyonal din sina Seth Fedelin at Andrea Brillantes habang sinasabi kung gaano kalaki ang naitulong sa kanila ng serye.
Para kay Andrea, answered prayer daw sa kanya ang serye dahil dumating ito sa buhay niya na wala na siyang pera dahil ilang months na siyang walang project.
“Gusto ko pong magpasalamat sa show na ito kasi bago po dumating ang Kadenang Ginto sa akin, medyo lost po ako nu’n, tapos nagdadasal ako kay Lord na ‘Lord, sana, bigyan n’yo po ako ng show kung saan mapapatunayan ko talaga ‘yung pag-acting ko, bigyan N’yo lang po ako ng blessing o opportunity, promise hindi po Kayo magsisisi na binigyan N’yo ako ng opportunity, ibibigay ko po talaga lahat sa next blessing ko na ito talaga, Lord,’” pahayag ni Andrea.
That time ay sobrang empty daw niya dahil kailangan niya ng pera at wala siyang raket or show. Being the breadwinner of the family ay kailangan talaga niyang kumita ng pera.
Timing pa na bina-bash siya that time dahil sa pagiging fan niya ng South Korean boy band na BTS. Bukod dito ay nakaramdam din daw siya ng inggit kapag napapanood ang K-group na magperform dahil gusto rin daw niyang mag-perform.
“Tapos, lumuhod pa talaga ako, umiiyak ako, ‘naku, Lord, please, sana bigyan N’yo ako ng chance,’” kuwento pa ni Andrea.
At ‘eto na nga, bigla raw dumating sa kanya ang Kadenang Ginto kaya feeling niya ay ito talaga ang naging kasagutan sa kanyang dasal. Kaya naman tinupad daw niya talaga ang pangako niya kay Lord na ibibigay ang lahat at itotodo na niya ang lahat ng nalalaman sa pag-arte.
Dahil daw sa serye ay nagkaroon din siya ng maraming endorsement at nasimulan na niya ang pagpapatayo ng dream house na ngayon ay malapit na raw matapos. “Sa April na po matatapos,” she said.
Ayon naman kay Seth, sobrang laki raw ng naitulong sa kanya ng KG.
“Sobrang malaki po ang binago sa buhay ng pamilya ko. Sobrang dami pong natulungan kaya hindi ko makakalimutan ‘to,” sey ni Seth.
Super thankful ang young actor sa ABS-CBN, sa mga direktor at sa mga co-star na napakarami raw naituro sa kanya at bibitbitin daw niya ito as he goes along after the series.
Tulad ni Blythe (Andrea), sagot din daw sa panalangin ni Dimples ang KG dahil bago raw ito in-offer sa kanya, sinabi raw niya kay Lord na “Lord, kung saan Mo ako dadalhin, susunod lang ako sa ‘Yo.”
At ito raw marahil ang gusto ni Lord for her dahil ito nga ang serye na dumating sa kanya kung saan ay sobrang nagmarka talaga ang karakter niya bilang Daniela Mondragon. “Nagpapasalamat ako na may mga bago akong kapatid,” sey ni Dimples at napaiyak na.
For 16 months, lahat daw talaga ng emosyon ng karakter ni Daniela ay nasa kanya pa rin kaya naman napapaiyak ang aktres thinking na magwawakas na ang papel na talaga namang minahal at kinamuhian ng mga manonood.
Si Beauty naman ay umaming bago ang Kadenang Ginto ay muntik na siyang lumipat sa kabilang network.
“Muntik na akong naki-fiesta sa kapitbahay natin. Pero mas masarap pa rin ang pagkain sa ABS-CBN. So, bumalik po ako dito at kailangan kong patunayan ang sarili ko na hindi ko na kailangang magbayad ng writer para humaba ‘yung linya ko. Patunayan ko sa sarili ko na deserving ako kung nasaan ako ngayon,” sey ni Beauty.
Umamin din ang aktres na anorexic daw siya nang simulan niya ang show.
“I was 100 lbs. I’m the healthies I’ve been now in my life,” umiiyak na sabi ni Beauty.
Bukod dito ay naging Best Actress din si Beauty sa Eduk Circle Award para sa nasabing serye kaya hinding-hindi niya raw talaga makakalimutan ang show na ito.
- Latest