Radyo Negosyo, SOCO at TeleRadyo nag-iikot!
MANILA, Philippines — Isang maginhawang buhay na malayo sa kapahamakan at karahasan ang motibasyon ng DZMM anchors na sina Dr. Carl Balita, David Oro, at Gus Abelgas sa kanilang mga programang Radyo Negosyo at SOCO sa DZMM Radyo Patrol 630 at DZMM TeleRadyo.
Ang Radyo Negosyo ni Carl ay 18 taon nang naghahatid ng impormasyon, inspirasyon, at suporta sa pagnenegosyo. Samantala, mahigit isang dekada na rin ang SOCO sa DZMM sa pagtatalakay ng iba’t ibang kaso ng krimen upang makatulong sa pagkamit ng hustisya ng mga biktima at mabigyan din ng babala ang sambayanan.
Simula nang makilala sa kanyang itinayong mga review center sa Pilipinas at ibayong dagat, hindi pa rin natitinag si Carl, isang rehistradong nars at midwife at lisensyadong guro, sa pagbabahagi ng kanyang kaalaman sa pagnenegosyo lalo na sa masang Pilipino.
Aniya, ibang uri ng public service ang hatid ng kanyang programa. “Karaniwan kasi kapag sinabing public service, nagbibigay ka lang. Kami, ang ginagawa namin ay tinuturuan kumbaga ang tao kung paano mangisda, kung paano kumita at tulungan ang kanyang sarili,” aniya.
Nagsimula si Carl bilang panauhin sa programa noong taong 2000, hanggat siya ay inanyayahang maging anchor nito. Simula noon, marami na rin ang maliliit na negosyong natulungan nilang lumaki matapos lumabas sa Radyo Negosyo at marami pa ang unti-unting nakakaabot ng tagumpay sa tulong ng kanyang mga pakulo tulad ng P500 Challenge, kung saan makakasimula na ang isang tao ng negosyo sa halagang limang-daang piso lamang.
Payo niya sa mga nais magnegosyo, gamitin ang puso at tibayan ang loob. “Nagsisimula ang lahat sa desisyon mo na magnegosyo, kapitan mo iyon. Tapos ang produkto o serbsisyo mo, kailangang kakaiba at may dalang solusyon.”
Kung tagumpay sa negosyo ang hangarin ni Carl sa mga Pilipino, hustisya at kaligtasan naman ang adbokasiya nina David at Gus, dalawang beterano sa police reporting at parehong mahigit 30 taon na sa ABS-CBN.
“Minsan ang pagiging kampante na hindi tayo magiging biktima ng krimen ang nagiging dahilan upang tayo ay mabiktima sa hindi natin inasahang panahon. Sa panonood at pakikinig ng SOCO sa DZMM, makakakuha ka ng ng ideya kung paano makakiwas sa krimen sapagkat sabi nga ang paalala ay gamot sa pagkakalimot,” ani David.
Pero bukod sa mga babala, malaki ang tulong na naihahatid ng programa sa pagkamit ng hustisya para sa mga biktima sa pagpapakita nila ng detalye sa mga suspek, pakikipagtulungan sa mga pulis, at pagtanggap ng impormasyon sa kanilang mga tagapanood at tagapakinig.
“Ang pinakaimportante dito yung pagiging aktibo ng mga tao sa isang insidente. Sa ating kultura ‘pag may nakita, ‘pag naging witness nananatiling tahimik. ‘Pag ‘di ka direktang apektado, wala kang pakialam eh. Kahit kaunti bagay lang na makakatulong tayo, tumulong tayo. ‘Wag natin hintayin na sa atin mangyari,” paalala ni Gus na marami na ring natulungang maresolbang kaso matapos mapaamin sa kanyang mga programa ang mga suspek.
Noong Oktubre, dinala ng DZMM ang programa sa San Jose Delmonte sa Bulacan para sa DZMM Kapamilya Day, kung saan tinalakay nina David at Gus ang mga karaniwang krimen sa nasabing lugar. Iba-ibang serbisyo rin ang hinandog sa mga residente roon, tulad ng libreng salamin, gupit, masahe, mga palaro, storytelling para sa mga bata, at pa-merienda.
Ngayong Nobyembre, si Carl at ang Radyo Negosyo naman ang bibisita sa isang komunidad sa Quezon City para sa DZMM Kapamilya Day.
- Latest